Advertisers
Binasag ni Senate President Alan Peter Cayetano nitong Biyernes ang mga maling naratibo tungkol sa naganap na pag-atake sa loob ng Senado at hinikayat ang mga Pilipino na ituon ang atensyon sa sa “buong katotohanan.”
Sa isang Facebook livestream nitong May 15, 2026, kalmadong hinarap ng Senate President ang publiko at nanawagang huwag hayaang sirain ng mga “half-truth” ang bansa.
“Ang appeal ko po sa lahat, let’s start focusing on the truth and the whole truth. Half-truth, hindi pa rin po truth ’yon,” aniya.
“Based on the truth, let’s move forward. Let’s not destroy our nation; let’s build our nation,” dagdag niya.
Mariing itinanggi ni Cayetano ang mga sabi-sabing magulo ang Senado. “Hindi po magulo ang Senado — ginugulo ang Senado,” aniya. “Iba po ang magulo sa ginugulo.”
Inisa-isa ni Cayetano ang “facts” sa mga naganap na panggugulo sa loob ng Senado, simula sa pagpasok ng mga agent ng National Bureau of Investigation (NBI) noong May 11.
“Fact number one, NBI ang lumusob at pumasok sa Senado at nakipaghabulan sa isang senador kahit pwedeng hintayin na lang sa session hall or sa office of the Senate President,” sabi niya.
Binasag din ni Cayetano ang alegasyong ang pagpapalit ng liderato sa Senado ay para maantala o matigil ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
“Fact number two, pwede nang magsimula sa Monday ang impeachment trial,” aniya.
Kinuwestiyon din ni Cayetano ang naging kilos ng NBI matapos umanong tiyakin ni Director Melvin Matibag sa mga opisyal na hindi kikilos ang ahensya nang walang koordinasyon sa kanila matapos ang pakikipaghabulan kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
“Fact number three, sabi niya hindi niya pakikilusin ang NBI nang walang coordination sa amin,” bunyag ni Cayetano. “But Wednesday morning pa lang, may reports na sa amin na naglalabas-pasok ang NBI agents.”
“Pagdating ng hapon, may NBI agents na naka-full tactical gear na nasa GSIS… Kitang-kita nakasuot ng ‘NBI.’ Still, they were denying na NBI sila,” dagdag niya.
Nagpasalamat naman ang Senate President sa mga miyembro ng Senate media na patuloy na nag-ulat sa kabila ng peligro.
“Hats off, sobrang tapang po. I really respect y’ung Senate media. Hindi kayo nagtago. Hindi kayo umuwi. You ran towards danger so that people will know the truth,” aniya.
Hinimok niya ang media at publiko na patuloy na ilabas ang mga video at ebidensyang makakatulong para kontrahin ang aniya’y mga gawa-gawang naratibo.
“Kaya ang pakiusap ko, lahat ng naglalabas ng video na kitang-kita ang katotohanan kaya nasisira ang mga gawa-gawang narrative, continue to do that,” sabi niya.
Ayon kay Cayetano, layon niyang maiwasan na mauwi sa takot at kalituhan ng publiko ang nangyaring insidente.
“We just wanted everyone to not have a national trauma,” aniya.
Tinapos ng senador ang kanyang mensahe sa isang panalangin. “May we ask God for one thing: the truth to come out,” pahayag niya.