Advertisers
“Ang Senado ay isang institusyon na sumisimbolo sa demokrasya sa ating bansa, kaya’t tunay na nakakabahala ang mga pangyayari sa loob mismo ng gusali ng Senado. Hindi po ito isang simpleng insidente lamang–isa itong banta sa dangal ng Mataas na Kapulungan na dapat ay pumoprotekta sa mga Pilipino.”
Ito ang inihayag ni Senador Erwin Tulfo sa gitna ng tensiyong bumalot sa Senado Martes ng gabi, sa gitna ng pagdating sa Senado ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte at balitang aarestuhin si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, na may arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kung saan nahaharap siya sa kasong ‘crimes against humanity’, bilang co-perpetrator umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ani Sen. Tulfo, labis siyang nababahala dahil ang mga nangyaring putukan ay naglagay sa peligro sa napakaraming Pilipino.
“Nariyan yung mga kasamahan ko sa Senado, mga empleyado at kitang-kita po yung naging delikadong kalagayan ng mga kasamahan natin sa media. Bagama’t alam nila na kaakibat na ito ng kanilang trabaho, tayo po sa gobyerno ay may mandatong proteksyunan ang mga mamamahayag,” aniya.
Dagdag niya: “We urge all government agencies to ensure the safety of everyone and carry out their mandate according to the rule of law. Nawa po ay maimbestigahan ang mga ‘di inaasahang pangyayari na ito upang hindi na maulit muli. Ang Senado ay para sa mamamayan. Panatilihin natin itong sagrado at respetado.” (JERRY S. TAN)