Advertisers

Advertisers

POPULARIDAD NI MISFIT SARA PABABA NA

0 3

Advertisers

KASAMA kami sa laksa-laksang Filipino na hindi natuwa sa nangyari kamakailan sa Senado. Lumabas si Bato dela Rosa, ngunit nawala na parang bula pagkatapos ng hindi naipaliwanag na putukan at iluklok si Alan Cawatano bilang bagong pangulo ng Senado. Hindi na kami sasawsaw sa isyung iyan dahil hindi pa tapos iyan at marami pang mangyayari.

Saka na kami magbibigay ng kuro-kuro kapag nagkalinawan na. Ngayon, mistulang mabilis sa daloy ng tubig ang mga pangyayari. Maaaring maganap ang hindi inaasahan. May mga sorpresa, sa maikli. Basta na lang mangyayari.

Hayaan ninyong talakayin namin ang political dynamics ng halalang pampanguluhan sa 2028. Hindi totoong napalakas ni Misfit Sara. Ayon sa mga info na nakalap namin at may batayan ang mga ito sa ilang panloob na survey, nababawasan ang lakas ni Misfit at lumiliit ang lamang niya kay Raffy Tulfo at Leni Robredo.

Ngunit may problema si Raffy at Leni. Nagpahayag si Erwin na walang Tulfo na tatakbo sa 2028. Hiningi niya sa mga polling firm na huwag isama sinuman sa kanila sa kanilang survey. Sinabi ni Raffy na tatakbo siya sa reeleksyon bilang senador. Hindi niya sinabi kapag pinili siyang manok ni BBM sa 2028.

Sa amin, tatakbo si Raffy kung basbasan siya ni BBM bilang kandidato ng administrasyon. Hindi namin nakikita ang posibilidad na iyan. Hindi siya napupusuan ni BBM. Samantala, mukhang hindi natitinag si Leni sa sulsol ng ilang tagabuyo na tumakbo sa 2028. Interesado siya tumakbong muli bilang alkalde na Naga City.

Samantala, may survey na panloob na nagsabi na iba ang anyo ng 2028 kung hindi lalahok si Raffy at Leni. Lamang si Misfit Sara, ngunit maaaring habulin ito ng sinuman kay Risa o Bam sa panahon ng kampanya. Bukod diyan, padausdos ang suporta kay Misfit Sara dahil nahaharap siya sa impeachment trial.

Mananatili siyang lamang sa Mindanao na itinuturing na bailiwick niya umano, ngunit maaring lumiit ito habang nabibisto ang pandarambong niya sa salapi ng bayan. Kailangan na maging malinaw kay Leni na hindi siya tatakbo. Pinakamaganda kung hihingin niya sa mga polling firm na huwag isama ang kanyang pangalan sa mga susunod na opinion poll. Tulad ng ginawa ng kampo ni Raffy Tulfo.

Kailangan ang desisyon kung sino kay Risa o Bam ang tatakbo sa 2028. Kailangan magkaisa ang puwersang demokratiko kung sino sa kanila ang tatakbo. Nag-uusap ang dalawang kampo. Alam ng magkabilang puwersa ang kani-kanilang lakas. Sa huli, isa lang sa kanila ang tatakbo ang susuporta ang kabilang kampo sa isang kandidato. Alam nila na mabisa magsama sila kontra sa puwersa ng Inferior Davao.

Mas lalakas ang kandidatura ng sinuman sa kanila kung babasbasan siya ni BBM at nangakong tutulong ang kanyang administrasyon upang manalo siya kontra sa isinusuka at isinusumpang puwersa ng Inferior Davao.

***

MAITUTURING na isang obra maestra ang sagot ng Office of the Solicitor General sa Korte Suprema kontra sa petisyon na kampo ni Bato dela Rosa na balewalain ang arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC). Humingi ni Bato sa Korte Suprema na mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) upang hindi ipatupad ang arrest warrant laban sa kanya.

Labis na kinatatakutan ni Bato na isinuko siya ni BBM sa ICC. Ibibilanggo siya sa piitan ng ICC habang dinidinig ang sakdal na crimes against humanity laban sa kanila ni Gongdi. Labis na isinusumpa ni Bato ang bilangguan. Dati siyang hepe ng PNP ngunit malaki ang takot niya sa kalaboso. Duwag si Bato at hindi siya sanay na hinaharap ang pananagutan.

Si Solicitor General Darlene Berberabe ang nagsumite ng sagot ng OSG laban sa petisyon ni Bato. Hindi dapat balewalain ang arrest warrant na inisyu ng ICC sa kanya dahil si Bato ang nagpatupad ng war on drugs ni Gongdi. Wala itong merito, aniya. Tumatayong manananggol ng gobyerno si Berberabe na pumalit bilang Solicitor General kay Menardo Guevarra, ang pipitsugin at patapon na abogado na sumusuporta kay Gongdi.

Naglalaman ng ilang ginintuang kaisipan ang sagot ni Berberabe sa petisyon ng kampo ni Bato. Halimbawa: “The law exists so that even the voiceless dead are not forgotten by justice.”

May iba pa: “The law was never intended to provide an excuse for evasion, nor to become a weapon wielded only by those with power. It exists so that even the voiceless dead, whose cries never reached a courtroom, are not forgotten by justice.

“No amount of technical reasoning can disguise the absence of justice. Our conscience will know. The nation will know. History will know.

“A fugitive from justice is a person who attempts to evade law enforcement by fleeing jurisdiction… it is not only limited to crossing national borders but extends to any deliberate effort to place oneself beyond the reach of lawful judicial process.

 

“Clearly a person who evades arrest and refuses to submit himself to lawful authorities should not be allowed to seek protection from the courts. To allow otherwise would create a situation where an accused may defy the law while selectively invoking judicial processes when beneficial to him.”

 

Dahil, pugante na sa hustisya si Bato, marapat na huwag bigyan daan ang kanyang petisyon at ideklara siya ng Korte Suprema na isang kalaban ng katarungan.