Advertisers

Advertisers

BARMM nilantad ang krisis sa mga iskul: Bilyon ang pondo, pero bagsak ang edukasyon

0 8

Advertisers

Hindi ordinaryong ulat ang inilabas ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) hinggil sa kalagayan ng edukasyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Isa itong mabigat na pagsisiwalat na tila sampal sa pangarap ng libu-libong kabataang Bangsamoro na umaasang mababago ng edukasyon ang kanilang buhay.

Sa kasi halip na pag-unlad, ang lumitaw sa report ay larawan ng isang sistemang nalugmok sa mabagal na implementasyon, kakulangan sa serbisyo, at kuwestiyonableng paggastos sa pondong inilaan para sana sa kinabukasan ng rehiyon.

Masakit isipin na ang Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) ang may pinakamalaking bahagi ng BARMM budget ngayong taon — umaabot sa ?26.49 bilyon mula sa kabuuang P114 bilyong pondo ng rehiyon.

Ang layunin sana ng pondong ito ay simple ngunit napakahalaga: mapaangat ang kalidad ng edukasyon, mabigyan ng sapat na kagamitan ang mga paaralan, at matiyak na may maayos na kinabukasan ang mga batang Bangsamoro.

Ngunit sa kabila ng napakalaking budget, nananatiling isa ang BARMM sa may pinakamahinang education indicators sa buong bansa.

Ayon sa ulat ng Committee on Finance, Budget, and Management (CFBM), napakabagal ng execution at fund utilization ng MBHTE. Ang resulta: milyun-milyong estudyante ang direktang naaapektuhan.

Sa datos pa lamang ng functional illiteracy rate, malinaw na ang lalim ng problema. Umaabot umano sa 38.3% ang functional illiteracy sa BARMM — pinakamataas sa buong Pilipinas at mas mataas sa national average na 30.6%.

Ibig sabihin, maraming kabataan at maging matatanda sa rehiyon ang hirap umunawa ng simpleng impormasyon at mahina sa basic comprehension at numeracy skills. Ito ay hindi lamang simpleng usapin ng edukasyon; usapin ito ng kinabukasan, oportunidad, at kahirapan.

Nakababahala rin ang performance ng mga guro sa BARMM. Sa Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT), nasa ika-34 lamang ang rehiyon mula sa 39 na ranking sa buong bansa. Malinaw na hindi lamang estudyante ang nangangailangan ng suporta kundi maging ang mga guro mismo.

Paano aasahan ang dekalidad na edukasyon kung mismong sistema ng teacher development at support ay hirap na hirap makabangon?

Ngunit higit na nakagugulat ang sitwasyon sa higher education. Ang dropout rate sa kolehiyo ay umabot umano sa 90% — isang numerong halos imposibleng tanggapin sa modernong panahon.

Sa bawat sampung estudyanteng nangangarap makapagtapos ng kolehiyo, isa lamang ang tila may tsansang manatili hanggang graduation.

Samantala, 8.7% lamang ng mga kabataan sa BARMM ang nakaka-enroll sa kolehiyo, pinakamababa sa buong bansa. Sa simpleng salita, napakalayo pa ng rehiyon sa pangarap na magkaroon ng competitive at globally prepared workforce.

Habang bumabagsak ang kalidad ng edukasyon, tila mabagal naman ang kilos ng pamahalaan sa mga pangunahing pangangailangan sa paaralan. Sa 2,289 school building projects, mahigit kalahati o 1,330 proyekto pa rin ang hindi natatapos.

Libu-libong estudyante ang patuloy na nagsisiksikan sa kulang at sirang silid-aralan habang ang iba ay napipilitang mag-aral sa mga makeshift classrooms. Kulang din ng 567,946 armchairs at higit 757,000 learners kits ang hindi pa natatanggap ng mga estudyante.

Dito lalong uminit ang usapin nang mabunyag na umaabot umano sa ?5,049 ang presyo ng bawat armchair. Sa gitna ng kahirapan at kakulangan sa mga paaralan, natural lamang na magtanong ang publiko: paano umabot sa ganoong halaga ang isang simpleng upuan?

Ilang armchair na sana ang naipamahagi kung naging mas maayos at masinop ang paggastos? Sa panahon na maraming batang Bangsamoro ang nag-aaral nang nakatayo o nakaupo sa sirang kagamitan, ang ganitong isyu ay hindi basta simpleng accounting concern — isa itong moral issue.

Mas lalong lumala ang problema dahil sa kakulangan sa manpower. May 9,599 na posisyon sa ahensiya ang hindi pa napupunuan habang 36,773 items mula pa noong panahon ng dating ARMM ang hindi pa naaaksyunan.

Sa Sulu lamang, tinatayang 3,000 teachers at staff ang apektado. Marami ring volunteer teachers ang nananatiling mababa ang sahod kahit sila ang nagsisilbing gulugod ng edukasyon sa mga liblib na lugar.

At habang naghihintay ng aksyon ang mga guro at estudyante, bilyon-bilyong pondo naman ang nananatiling hindi nagagalaw.

Ayon sa report, may P4.9 bilyong cash-in-bank at P208 milyong obligated funds na hindi naipatupad mula 2020 hanggang 2023. Sa madaling salita, may perang nakatengga habang ang mga paaralan ay kulang sa silid, guro, armchair, at learning materials.

Ang nakalulungkot, hindi na bago ang mga problemang ito sa BARMM. Matagal nang ipinangako na magiging sentro ng tunay na pagbabago ang edukasyon sa rehiyon matapos mabuo ang BARMM bilang simbolo ng bagong pag-asa at mas maayos na pamamahala.

Sa halip na maging ehemplo ng reporma, tila muling nilalamon ng burukrasya, kapabayaan, at kontrobersiya ang sektor ng edukasyon.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.