Advertisers
Iginiit ni Senate President Alan Peter Cayetano nitong Lunes na nananatiling pangunahing prayoridad niya ang kapakanan ng mga empleyado ng Senado sa gitna ng lumalalang alitan sa pamunuan ng kapulungan.
Aniya, kailangang matiyak na hindi maaapektuhan ang mga empleyado ng nagpapatuloy na gusot.
“Ayaw namin maipit ang mga empleyado. Sa dami ng problema ng ating bansa, I really want to avoid that we have to write to Landbank, na maipit ang sweldo ng mga tao and everything,” pahayag ni Cayetano sa isang press briefing nitong June 8, 2026.
“I’ll never bend the law nor will I bend the Constitution, but I will bend backward for our employees para hindi sila maipit sa gulo. For as long as it doesn’t bend the law, [we will push for] internal rules and regulations that are not attached to laws that are morally wrong,” dagdag niya.
Ayon kay Cayetano, anumang solusyon sa sigalot ay dapat manatiling naaayon sa batas.
Ibinahagi niya na nagpadala ng liham ang Senate Secretary kay Atty. Renato Bantug, ang kinikilalang “Senate Secretary” ng Gatchalian bloc, upang maiwasan ang pagkaantala sa operasyon ng Senado at maprotektahan ang mga empleyado mula sa epekto ng alitan.
Sa liham, iminungkahi ng Senate Secretary ang pansamantalang sistema kung saan ang mga dokumentong kailangang aprubahan ay lalagdaan ng mga kasalukuyang gumaganap sa mga tungkulin at ng mga indibiwal na nagsasabing sila ang may awtoridad sa parehong mga tungkulin.
“Nag-offer kami na pareho na lang kaming pipirma kahit walang designation,” aniya, sabay paliwanag na makatutulong ito upang matiyak na walang magiging legal na problema at maiwasan ang pagbibintangan ng magkabilang panig ng pang-aagaw ng kapangyarihan.
Sa kanyang pagpapaliwanag sa panukala, muling binigyang diin ng Senate President na hindi lehitimo ang grupo ni Senador Sherwin Gatchalian. Aniya, hindi nito nakuha ang kinakailangang 13 boto upang ideklarang bakante ang posisyon ng Senate President, at maghalal ng bagong Senate Secretary at Senate Sergeant-at-Arms (SAA).
“Kailangan 13 ang boto kapag ilalagay at kapag tatanggalin (ang Senate President, Secretary, at SAA). Hindi nila sinunod iyan. Meaning hindi legitimate si [Senate] Secretary Bantug,” aniya.
Sinabi ni Cayetano na nadismaya siya sa pagtanggi ng kabilang kampo sa kaniyang panukala dahil lalo lamang aniya nitong pinalalim ang hidwaan sa loob ng institusyon.
“Apparently, dahil ayaw nilang pumayag, dalawa ang Senado ngayon. Senate of the Philippines and Senate of Malacañang,” aniya.
Nagpahayag din ang Senate President ng pag-aalala para sa mga empleyadong nadadamay sa kaguluhan, lalo na dahil sa mga banta ng pagsasampa ng kaso laban sa kanila.
“Y’ung sinabi ni Senator Erwin (Tulfo) tapos nag-sorry. Bad cop good cop iyan — sadya iyon. I-shock mo muna ang mga empleyado na kakasuhan sila, sabihan mo ng kung ano-ano. Tapos si Sen. Sherwin naman y’ung mabait,” aniya.
“Kahit nag-sorry siya, natanim na iyon sa puso ng mga empleyado. Sa empleyado naman, it’s a matter of conscience,” dagdag niya.
Matapos ang press conference, dumeretso si Cayetano sa isang pagpupulong kasama ang mga pinuno ng Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (S.E.N.A.D.O.) para pag-usapan kung paanong mapoprotektahan ang mga rank-and-file na kawani ng Senado sa gitna ng mga pagbabanta sa kanila ng grupo ni Gatchalian at sa nagpapatuloy na pang-aagaw sa liderato.