Advertisers
Hinikayat ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagosoang mga kabataang Pilipino na pairalin ang makatotohanang diskurso at paggalang sa opinyon ng iba sa gitna ng maiinit na usaping pampubliko at mga pagdinig sa Senado na aniya’y tila naging “bagong teleserye” na sinusubaybayan ng maraming mamamayan.
Ipinahayag ito ni Domagoso sa harap ng mga finalist ng Youth Peace Summit 2026: Voice of the Youth, 3rd National Oratorical Contest na ginanap sa Polytechnic University of the Philippines Manila Campus.
Ayon sa alkalde, mahalagang maunawaan ng kabataan na ang tunay na pampublikong talakayan ay nakabatay sa ebidensya, katotohanan, at mahuhusay na ideya, hindi sa personal na pag-atake o panlalait.
“We gather at a time of public discourse, history lessons, recent events in our Senate, the new teleserye at 3:00 in the afternoon for Filipino families,” ani Domagoso.
Binigyang-diin niya na sa kasalukuyan, may mga argumento na hinuhusgahan hindi dahil sa lakas ng ebidensya o ganda ng ideya kundi dahil lamang sa kung sino ang nagsasalita nito.
Dahil dito, sinabi ng alkalde na lalong nagiging mahalaga ang mga patimpalak sa pagtatalumpati sapagkat nahuhubog nito ang kakayahan ng kabataan na ipagtanggol ang kanilang paninindigan gamit ang katwiran, katotohanan, at mga datos sa halip na sigawan o insultuhan.
Bilang halimbawa, binanggit ni Domagoso ang naging malawakang paglilinis ng kanyang administrasyon sa mga pangunahing lansangan ng Maynila. Aniya, noong siya ay maupo bilang alkalde noong 2019, marami ang nagduda sa kanyang pangakong linisin ang matagal nang problema sa Recto at Divisoria, subalit napatunayan umano na posible itong maisakatuparan sa pamamagitan ng konkretong aksyon.
Kasabay ng nalalapit na pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, pinaalalahanan din ni Domagoso ang mga kabataan na ang kalayaan ay may kaakibat na responsibilidad at obligasyon.
“Maingat tayo sa pagpili ng salita. Habang nagagawa natin ang kalayaang makapagsalita, huwag naman nating saktan ang ating kapwa,” pahayag niya.
Idinagdag pa ng alkalde na maaaring maging matatag ang bawat isa sa kanilang paniniwala nang hindi kinakailangang yurakan ang dignidad ng ibang tao.
Binigyang-pugay rin niya ang anim na finalist ng patimpalak, na aniya’y kumakatawan sa husay at talento ng kabataang Pilipino mula sa mahigit isang daang milyong mamamayan ng bansa.
“Ang susi ay consistency at persistence. Mabuhay ang Pilipino! Mabuhay ang kabataan!” pagtatapos ni Domagoso. (BP)