Advertisers
ISINUSULONG sa Kamara ang panukalang mag-aalis sa expiration ng lahat ng prepaid load sa bansa sa ilalim ng public telecommunications companies.
Sa House Bill 9903 – “Prepaid Load Forever Act”, nais ni Mamamayang Liberal party-list Representative Leila de Lima na gawing walang expiration ang anumang prepaid load o data na binibili ng consumers.
Ayon kay De Lima, hindi makatarungan na may itinakdang expiry ang load na binayaran na ng mga gumagamit.
“It is unfair and inequitable to put expiration dates on prepaid load credits, as it forces consumers to use up their load or data prematurely to avoid forfeiting them,” ani De Lima.
Sa kasalukuyang sistema, may validity period ang prepaid load base sa umiiral na regulasyon ng National Telecommunications Commission (NTC), Department of Information and Communications Technology (DICT), at Department of Trade and Industry (DTI), kungsaan maaaring magtakda ng hanggang isang taong bisa ang load.
Giit ng mambabatas, nagiging dahilan ito ng pagkalugi ng consumers dahil napipilitang ubusin ang load bago ito mapaso.
Iginiit din niya na dahil binayaran na ang load, dapat ay manatili itong pag-aari ng consumer hanggang magamit.
Layunin ng panukala na baguhin ang umiiral na polisiya upang mas maprotektahan ang karapatan ng mga gumagamit ng prepaid services at maiwasan ang sinasabing hindi patas na kita ng mga telco.