Advertisers

Advertisers

ALISIN NA ANG KRIMENG LIBELO, NGAYON NA!

0 14

Advertisers

UULITIN ko mga masugid nating tagasubaybay at ilang beses ko na rin naman itong tinalakay sa pitak na ito, totoo at dapat na aminin, may mga ‘journalist’ o nagkukunwaring mamamahayag ang abusado, iresponsable at sadyang dapat na kasuhan ng libelo.

Sila ay mga propagandista, na ginagamit ang kalayaan sa pamamahayag sa paninira ng reputasyon, dangal at pagkatao ng kanilang target na pasamain sa publiko — ang dahilan ay maaaring sila ay bayarang ‘character assassins’ o sa dahilang politikal.

Pero mas marami sa amin ay matapat sa tungkukin bilang bahagi ng ‘4th Estate’ o pundasyon ng mamamayan laban sa katiwalian, malupit at mapanupil na pamamahala ng mga buktot sa pamahalaan at ng organisadong mga kriminal.

Sa layuning mapigil ang mga tiwali sa panulat at pamamahayag, nagiging biktima ng krimeng libelo ang matatapat na tagabandila ng katotohanan at ang mga tagapagtaguyod ng karapatan ng taumbayan na maihayag ang kanilang saloobin, hinaing at aksiyon laban sa mga tiwali sa lipunan.

Ginagamit kasi ng mga kriminal at korap ang krimeng libelo upang sikilin, takutin at busalan ang matatapat na journalist sa pagsisiwalat ng kabulukan at kriminal na gawain.

Halimbawa: Isang ‘drug lord’ ang buong tapang na nagsampa ng kasong libelo laban sa isang editor at reporter nito dahil sa sinigurado ng abogado nito na isang retiradong huwes na maipakukulong at pagmumultahin pa ng daan-daang libong piso.

Sa malaking takot, natigil ang expose laban sa drug lord.

Dapat na baguhin na ngayon ang batas na libelo, at alisin ang parusa at pananagutang kriminal.

Kung maaari nga, alisin na ang krimeng libelo.
***
Kailan naman kaya papagalitan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang Smart, Globe, Converge, Dito at iba pang Telecommunications sa mabagal na internet speed at interconnection na matagal nang inirereklamo ng milyon-milyong subscribers nila?

Hindi ba’t noon ay binantaan ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte ang mga telcos partikular ang PLDT-Smart at Globe na kungdi aayusin ang internet speed at interconnection ay babawiin ang prangkisa nila, at gobyerno na ang magpapatakbo sa operasyon nila?

Ito ang kinasasabikang marinig ng taumbayan mula kay PBBM.

Aba’y hanggang ngayon dear readers ay magagandang praise releases lamang ang improvement na naibigay ng dalawang giant telecom companies atbp, at walang naging pagbabago.

Panahon na marahil na kastiguhin ni PBBM ang telecom companies partikular ang Smart at Globe.

Pabor na pabor ang inyong lingkod na bukod sana pagkastigo kung gagawin man ni Pangulong Marcos, dapat ay patawan ng mabigat na multa ang PLDT-Smart at Globe na hanggang ngayon ay nagkakamal ng bilyon-bilyong piso sa kabila ng super kupad, palpak na serbisyong internet speeds sa bansa.

Nakahihiya ang Pilipinas sa mundo na tayo ay isa sa pinakakulelat sa bilis ng internet connections.

Ang mabilis na koneksiyon ay hindi na isang bisyo o kapritso lamang: ito ay kabilang na sa ating karapatang pantao, ngayon na tayo ay nasa mundo ng mabilis na paggalaw ng teknolohiya ng komunikasyon.

Kunektado ang internet speed sa bawat minuto ng ating galaw sa buhay.

Mahalagang gamit ito sa pagkuha ng mahahalagang impormasyon, kaalaman at sa negosyo, ‘wag nang idagdag pa ang halaga nito sa talastasan, edukasyon, siyensiya, kalusugan, at iba pang mahalagang porma sa kilos, pagsasalita, sa pagtuklas ngayon sa makabagong mundo ng teknolohiya.
***
Dapat na kastiguhin na rin ni PBBM National Telecommunications Commission (NTC) sa napakalaking kasalanan nito kaya superbagal ang internet connections natin.

Hindi nito kinakastigo at inoobliga ang Globe at Smart at iba pa na paghusayin at makapantay tayo sa internet speeds ng ating mga kalapit bansa sa Asia.

Kaya dapat bukod sa pagkastigo sa NTC ay utusan na rin ngayon na ni PBBM ito na magtakda ng mandatory speed targets sa mga internet service providers bawat taon, at kung hindi ito magawa, ay patawan ng malaking multa kada araw.

Malaki ang maitutulong sa pagbangon ng ekonomya kung mahusay ang serbisyo ng ating mga telcos kung saan nasa mahigit na 76 milyon ang internet users sa Pilipinas.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.