Advertisers

Advertisers

MAARING MAPAIKSI ANG IMPEACHMENT TRIAL NI VP SARA, AYON KAY REP. JOEL CHUA

0 3

Advertisers

Maaari pang mapaiksi ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kumpara sa pito hanggang walong buwan na tantiya ni Senate President Sherwin Gatchalian.

Ayon kay House Prosecutor Manila Congressman Atty. Joel Chua (3rd district), ang takbo ng impeachment trial ay maari pang mabawasan kung magpapasya ang prosecution panel na -waive ang presentasyon ng ebidensiya ukol sa ibang articles of impeachment.

Sa kanilang banda pa lamang, nasa 62 araw ang makokonsumo nila sa pagprisinta ng mga ebidensiya, batay sa bilang ng mga witnesses na meron sila.

“Pero may pagkakataon po kasi na halimbawa, isang araw, dalawa or tatlong testigo ang maipi-prisinta namin, so mababawasan din po ‘yan (62 days),” aniya.

Ipinaliwanag din ni Chua na kung sa tingin ng prosecution team ay malakas na ang ebidensiya maski sa isang article of impeachment lamang, di na kakailanganin pang mag-prisinta ng ebidensiya para sa mga nalalabing articles.

Si VP Duterte ay na-impeach ng House of Representatives noong February 5, 2026, sa alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds, pagkakaroon ng di maipaliwanag na yaman, bribery na kinasasangkutan ng Department of Education na dati niyang pinamumunuan at pagbabanta sa buhay nina President Ferdinand Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ang Senate Impeachment Court ay tinapos ang pre-trial proceedings nitong Hunyo at ang full trial ay nakatakdang umpisahan sa July 6, 2026.

Ayon kay Chua, ang House prosecution team ay patuloy na naghahanda para sa anumang petsa na itatakda ng impeachment court para sa trial schedule. (JERRY S. TAN)