Advertisers

Advertisers

ALL-OUT WAR SA SMUGGLING

0 4

Advertisers

Patuloy ang Bureau of Customs (BOC) sa mas pinaigting nitong kampanya laban sa smuggling, na makikita sa sunod-sunod na pagkakasabat ng milyun-milyon at maging bilyong pisong halaga ng mga smuggled na sigarilyo.

Ipinakikita nito ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga pantalan at ang determinasyon ng ahensya na protektahan ang kita ng pamahalaan at sugpuin ang iligal na kalakalan.

Ngunit ang tanong ng taumbayan ay iisa: May nakukulong ba?

Mukhang iyon mismo ang gustong baguhin ngayon ng Bureau of Customs (BOC) sa ilalim ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno at ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pangunguna ni Director Melvin Matibag.

Hindi lang basta ipinakita sa media ang 25 container van ng iligal na sigarilyo na nagkakahalaga ng halos P1 bilyon sa Gothong Wharf sa Cebu. Mas mabigat ang mensahe—hindi na matatapos sa kumpiska ang laban.

Ayon kay Nepomuceno, hindi na maaaring “areglo” ang usapan kapag smuggling ang kaso. Hindi lamang kontrabando ang target, kundi ang buong supply chain, mula sa importer, financier, consignee, hanggang sa sinumang nakinabang sa ilegal na negosyo.

At dito nagiging mahalaga ang pakikipagkamay ng BOC at NBI.

Kapag pinagsama ang intelligence ng NBI at ang border enforcement ng Customs, mas lumiliit ang espasyo ng mga sindikatong matagal nang nagpapalusot ng bilyon-bilyong pisong kontrabando.

Teka, may balitang nalalapit nang lagdaan ang kasunduan ng mga ahensya para sa mas malalim na intelligence sharing at joint operations ay indikasyon na hindi na kanya-kanyang aksyon ang gobyerno laban sa smuggling.

Hindi biro ang mahigit P3 bilyong halaga ng iligal na sigarilyong nasamsam sa kabuuang 59 na container. Ang perang iyon ay katumbas ng malaking buwis na nawala sa gobyerno, pondong maaari sanang napunta sa mga paaralan, ospital, imprastraktura, at iba pang serbisyong kailangan ng mamamayan.

Sa huli, hindi sukatan ng tagumpay ang dami ng nakumpiskang container. Mas mahalaga kung ilan ang mapapanagot, makakasuhan, at mapaparusahan.

Kapag nagsimula nang matakot ang mga utak sa likod ng smuggling dahil alam nilang hindi lang kargamento ang mawawala kundi pati kalayaan nila, doon pa lamang masasabi na tunay na umiiral ang all-out war laban sa economic sabotage.

Sana, ito na ang simula ng panahong ang mga smuggler ay hindi na lamang laman ng press release, kundi laman na rin ng korte at kulungan.
***
Isa na namang malaking shipment ng kontrabando ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC)—ngayon naman ay mga vape at vape-related products na nagkakahalaga ng halos P137 milyon sa Manila International Container Port (MICP).

Sa unang tingin, tila isa na naman itong karaniwang balita ng pagkakasabat ng mga iligal na produkto. Ngunit kung susuriin, malinaw na may isang sistemang pilit nililinlang ng mga smuggler.

Idineklara ang siyam na container bilang mga karton, kitchenware, sapatos, hanger, underwear at iba pang ordinaryong kalakal. Ngunit nang buksan at inspeksyunin, bulto-bultong vape products ang tumambad sa mga awtoridad.

Hindi ito simpleng pagkakamali sa deklarasyon. Isa itong sinadyang panlilinlang upang makaiwas sa tamang buwis at sa mahigpit na regulasyon ng pamahalaan.

Sa ilalim ng pamumuno ni BOC Comm. Nepomuceno, tila mas agresibo na ang kampanya laban sa ganitong uri ng operasyon.

Hindi na lamang basta sinusuri ang mga dokumento. Mas pinapalakas na rin ang intelligence gathering at koordinasyon sa iba pang ahensya tulad ng National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Trade and Industry (DTI).

Mahalaga ang laban na ito dahil hindi lamang kita ng gobyerno ang nakataya. Ang mga vape products ay kabilang sa mga produktong mahigpit na nire-regulate dahil may direktang epekto ito sa kalusugan ng publiko, lalo na ng kabataan.

Kapag nakalusot ang mga produktong ito sa pamamagitan ng smuggling, nalalagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga mamimili, naaagrabyado ang mga lehitimong negosyante na sumusunod sa batas, at nababawasan ang buwis na dapat sana’y napupunta sa mga serbisyong kailangan ng mamamayan.

Ang sunod-sunod na pagkakasabat ng Bureau of Customs sa iba’t ibang uri ng kontrabando ay nagpapakita na mas humihigpit na ang pagbabantay sa ating mga pantalan.

Ngunit tulad ng madalas nating paalala, hindi dapat matapos ang laban sa pagkumpiska lamang.

Mas mahalaga pa rin na matukoy ang mga nasa likod ng operasyon, masampahan ng kaso, at maparusahan ang mga sindikatong paulit-ulit na sumusubok na dayain ang sistema.

Dahil sa huli, ang tunay na sukatan ng tagumpay ay hindi ang dami ng nakuhang kontrabando, kundi ang dami ng mga smuggler na tuluyan nang hindi makakabalik sa kanilang iligal na negosyo.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.