Advertisers
Isinusulong ni Senator Mark Villar ang mas mahigpit na seguridad at mas handang emergency response sa mga paaralan sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2321, o ang panukalang Learning Institution’s Guaranteed Threat Avoidance and Safety Act (LIGTAS Act), sa gitna ng mga insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga estudyante at school personnel.
Nitong mga nakaraang buwan, ilang insidente ng pamamaril at pananaksak na kinasasangkutan ng mga menor de edad ang naiulat sa mga paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kabilang dito ang madugong pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City at magkahiwalay na insidente ng pananaksak sa Cavite at Las Piñas.
“Masakit na paalala ang mga insidenteng ito na maaaring mangyari ang karahasan kahit sa lugar kung saan dapat pinakaligtas ang ating mga anak. Hindi natin puwedeng hayaang maging normal ang takot sa loob ng paaralan. Kailangan nating kumilos bago may isa na namang buhay na mawala,” ani Villar.
Layunin ng LIGTAS Act na magtakda ng iisang school safety framework para sa lahat ng pampubliko at pribadong basic education institutions mula Kinder hanggang Grade 12.
Kabilang sa mahahalagang probisyon ng panukala ang mas mataas na police visibility at coordinated threat assessments; direktang emergency hotlines sa police, fire, at response units; agarang pag-abiso sa mga magulang kapag may emergency na kinasasangkutan ng estudyante; sapat na first-aid at emergency equipment; at trained medical personnel at security guards.
Itinatakda rin ng panukala ang strategic installation ng CCTV cameras at angkop na security screening systems, gayundin ang comprehensive school safety and security training para sa mga estudyante at school personnel.
Isa pang mahalagang probisyon ang pagtatatag ng School Safety Council sa bawat lungsod at munisipalidad, na bubuuin ng mga kinatawan mula sa local government, education sector, police, fire and disaster response units, mga paaralan, at mga magulang. Tungkulin ng konseho na bumuo ng safety policies na angkop sa kanilang lugar, pag-ugnayin ang emergency response efforts, at bantayan ang pagsunod ng mga paaralan sa safety standards.
“Ang kaligtasan ng ating mga estudyante ay responsibilidad nating lahat. Kailangan ang koordinasyon ng mga paaralan, local governments, law enforcement, emergency responders, teachers, at parents para mapanatiling ligtas ang ating mga anak,” ani Villar.
“Sa pamamagitan ng LIGTAS Act, nais nating magkaroon ng mas ligtas at mas handang mga paaralan kung saan protektado ang bawat estudyanteng Pilipino ka animang karahasan, disasters and emergencies,” pagtatapos ni Villar.