Advertisers

Advertisers

Abogado ni Atong Ang, hiniling ibasura ang reklamong obstruction of justice; iginiit walang batayan ang mga paratang

0 5

Advertisers

Mariing hiniling ng abogado ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang na ibasura ang reklamong obstruction of justice na inihain laban sa kanya at sa iba pang respondent ng ilang kaanak ng mga nawawalang sabungero sa Department of Justice (DOJ).
Nabatid na sa pamamagitan ng kanyang legal counsel na si Atty. Isabella Sabio, sinabi ni Atty. Caroline Cruz na mali at walang sapat na batayang legal ang reklamong isinampa laban sa kanya.
Sinabi ni Sabio, ang mga alegasyon ay nakabatay umano sa maling salaysay at binaluktot na mga pangyayari.
Iginiit ni Sabio na ang mga pagpupulong ni Cruz sa mga kaanak ng mga nawawalang sabungero noong Marso at Abril ay isinagawa sa kahilingan mismo ng mga ito.
“Ang mga pagpupulong ay hiniling ng mga pamilya ng mga biktima. Hindi ito maikakaila. Kaya ang sabihing nagkaroon ng ‘payoff’ ay isang alegasyong walang batayan at nararapat mapatunayan sa hukuman,” ani Sabio.
Kaugnay nito kinilala rin ng kampo ni Cruz na nagbigay siya ng maliit na tulong pinansyal sa ilang pamilya ng mga biktima upang makatulong sa kanilang pamasahe at pagkain, nguni’t iginiit na ito ay kusang-loob na ibinigay at walang anumang kapalit.
Ayon kay Sabio, walang dokumento, kasunduan o anumang hinihinging kapalit ng naturang tulong.
Dagdag pa niya, maging ang ilang complainant ay umanong umamin sa isang press conference noong Mayo 20, 2026 na walang kasunduang naganap sa pagitan ng magkabilang panig.
Samantala, mariin ding itinanggi ni Cruz ang alegasyong pinigilan niya ang mga pamilya ng mga biktima na dumalo sa mga pagdinig ng kasong kinahaharap ni Charlie “Atong” Ang.
Sa isang pahayag na binasa ni Sabio, sinabi ni Cruz:
“Tumulong ka lang, ikaw pa ang nagkaroon ng kaso. Kung ganito rin lang ang mangyayari, sana ay hindi na lang namin binuksan ang pintuan ng Foundation para sa kanila. Mula pa noong 2021 ay tumutulong na kami, at hindi namin hahayaan na sirain ng tatlong complainant ang reputasyong matagal naming binuo.”
Ibinunyag din ni Sabio na nakatakda umanong ilahad ng kanyang kliyente, sa tamang pagkakataon at sa pamamagitan ng mga ebidensya at testimonya ng mga saksi, ang tunay na dahilan kung bakit nakipag-ugnayan sa kanya ang tatlong complainant.
Ayon sa abogado, ang tatlong complainant ay umano’y naghahangad ng malaking pinansyal na settlement mula kay Charlie “Atong” Ang at nais gamitin si Cruz bilang tagapamagitan sa kanilang hinihinging kasunduan.
Gayunman, tumanggi muna siyang pangalanan ang mga ito habang nakabinbin ang kaso, ngunit iginiit na mayroon silang sapat na ebidensyang susuporta sa naturang pahayag.
Noong nakaraang linggo, naghain ng kanilang mga counter-affidavit sa DOJ sina Atty. Caroline Cruz, Joshua Villanueva, Jocelyn Dela Cruz, Cristy Ladao at Reynaldo Panebe Jr., at pawang itinanggi ang mga reklamong obstruction of justice na isinampa laban sa kanila.
Sa kasalukuyan, nakabinbin pa rin sa Department of Justice (DOJ) ang naturang reklamo habang nagpapatuloy ang paunang imbestigasyon.(Boy Celario)