Advertisers
By NONIE V. NICASIO
ITINANGGI ng talent manager na si Mannix Carancho ang bintang sa alagang si Fyang Smith na umano ay may bad attitude raw ang aktres.
Ayon kay Mannix, “She’s misunderstood, ang totoo ay madali siyang magtiwala sa mga tao. Siguro dahil hindi niya pa close iyong ibang tao, akala tinatarayan sila. Pero kapag nakilala nyo siya, wala kang masasabi sa pakikisama niya. Napakabait, walang masamang tinapay. Walang insecurities, gusto lang niyang mag-enjoy.”
“Para sa akin, hindi naman po, mas naging seryoso pa siya sa trabaho, misunderstood lang.” wika pa ni Mannix nang usisain kung nagbago na ba si Fyang dahil sa kasikatan niya.
Sa kasalukuyan ay co-managed siya ng Mannix Management at ABS-CBN’s Star Magic.
Bukod kay Fyang, nasa pangangalaga ni Mannix ang mga social media influencers at Tiktokers na sina Riri Navarro, Mami Bhie, Kenpat, Chona Vibes, Yance Figueroa, Angela Brown, Keith Bryan, Yuniko Cabaltera, Kurt Ausan, Mark Esguerra, Andrea Lim, Kenneth Danles, Miles Ramirez, KenLi, Kosuke Umemoto, Mary Julian Cabaltera, ZaiLaine, Euniko Arellano, AceNicm at iba pa.
Ang kanilang Creative Director ay si Amanda Salas.
Anyway, bilang isang impluwensiyal na negosyante at talent manager sa bansa, ipinagdiwang ni Mannix ang kanyang birthday last July 11. Ito rin ay pagdiriwang ng kanyang patuloy na ambag sa industriya ng entertainment, digital, at negosyo sa Filipinas.
Kilala bilang CEO ng Prestige International, nakabuo si Mannix ng reputasyon bilang isang lider na may malinaw na bisyon at dedikasyon sa pagtuklas at paghubog ng talento. Isa siya sa mga kinikilalang talent manager at nakatuklas kay Fyang, na ang tagumpay ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa mga nagnanais maging content creator at entertainer sa buong bansa.
Bukod sa pamamahala ng talents, kinikilala rin siya na impluwensiyal na digital personality sa bansa na may pinagsamang higit isang milyong tagasubaybay sa TikTok, Facebook, at YouTube. Ang kanyang mga plataporma ay nagsisilbing inspirasyon sa mga naghahangad na maging influencer, negosyante, at sa lahat ng may pangarap.
Sa industriya ng skincare, kilala siya bilang “Lord of Soap” dahil sa malaking kontribusyon sa pagbuo ng matagumpay na skincare brands at pagbibigay ng oportunidad sa maraming tao na magkaroon ng sariling negosyo. Ang kanyang pagiging mahusay na negosyante, dedikasyon sa kalidad, at patuloy na inobasyon ang dahilan kung bakit siya ay lubos na iginagalang sa industriya.
Sa pamamagitan ng Mannix Management, patuloy niyang ginagabayan at minementor ang susunod na henerasyon ng mga content creator at influencer, na nagpapakitang ang tunay na liderato ay nasusukat hindi lamang sa tagumpay kundi sa dami ng mga buhay na nabibigyan ng pag-asa at inspirasyon.