Advertisers

Advertisers

Pamilya ng missing sabungeros itinangging tumanggap ng pera

0 5

Advertisers

ITINANGGI ng mga respondent sa kasong obstruction of justice ang alegasyong tumanggap sila ng pera mula sa kampo ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang kapalit ng pag-atras sa kaso kaugnay ng mga nawawalang sabungero.

Sa kanilang mga counter-affidavit na isinumite sa Department of Justice (DOJ) nitong Hulyo 17, sinabi nina Cristy Ladao at Jocelyn Dela Cruz na walang katotohanan ang mga paratang laban sa kanila. Sa halip, iginiit nilang ang ilan sa mga nagreklamo ang uma-no’y nagtatangkang humingi ng malaking halaga kapalit ng pag-atras ng kaso.

Nabatid sa dalawang respondent, sila mismo ang kusang lumapit sa abogado ni Ang na si Atty. Caroline Cruz upang humingi ng gabay at suporta sa kanilang sitwasyon. Anila, ang mga pagpupulong na naganap noong Marso at Abril ay isinagawa sa kanilang kahilingan at walang naging kasunduan o anumang kapalit na may kaugnayan sa kaso.



Kaugnay nito, ipinaliwanag din nina Ladao at Dela Cruz na ang maliit na tulong pinansyal na naibigay sa ilang pamilya ay boluntaryong ibinigay ni Atty. Cruz mula sa sarili nitong pera bilang pantulong sa kanilang gastusin. Mariin nilang itinanggi na ito ay “payoff” o kabayaran upang ihinto ang paghahanap ng hustisya.

Sinabi ni Ladao sa kanyang salaysay na walang sinuman ang inutusang umatras sa kaso o tumigil sa pagdalo sa mga pagdinig. Aniya, nanatiling layunin ng kanilang grupo ang makamit ang hustisya para sa mga nawawalang sabungero.



Bunsod nito inakusahan din ni Ladao ang ilang kapwa kaanak ng mga biktima na umano’y binaluktot ang tunay na layunin ng mga pagpupulong at ng ibinigay na tulong pinansyal. Ayon pa sa kanya, may mga pahiwatig umanong may planong humingi ng malaking halaga bilang kapalit ng pag-areglo sa kaso sa labas ng hukuman.

Kaugnay nito, nananatiling mariing itinatanggi ng kampo ni Charlie “Atong” Ang na nagkaroon ng anumang negosasyon o alok na kabayaran kapalit ng pag-atras ng reklamo.



Samantala ang kasong obstruction of justice ay kasalukuyang nakabinbin sa Department of Justice, habang hinihintay ang susunod na hakbang sa imbestigasyon. (Boy Celario)