Advertisers
Kahit anong ganda ng batas, kung may nakabantay na protektor sa likod ng iligal na operasyon, para na ring walang silbi ang Presidential Decree 1602 at Republic Act 9287 anti-gambling law.
Sa Oriental Mindoro, matagal nang usap-usapan ang lantarang pamamayagpag ng jueteng at sugal sa Perya na “color games at drop ball baraha” na lantad sa 14 na bayan at isang siyudad.
At ayon sa mga impormasyon, hindi basta-basta ang mga operator at financier ng sugal —may matibay na “backup” umano sa katauhan nina Sgt. Raymond at Sgt. Manalo na diumano’y mga naka talaga sa PPO at Regional Police Office.
Sila raw ang “kapustahan” ng mga bigtime na gambling operator na tumatanggap ng lingguhang lagay o payola na dumadaloy hindi lang sa ilang piling opisyal ng kapulisan sa Oriental Mindoro Police Provincial Office at Camp Efigenio Navarro, maging sa ilang kasapi ng media.
Sa ganitong sistema, malinaw kung bakit hindi natitinag ang operasyon ng jueteng at ang mga salot na sugal sa Perya tulad ng color games at drop ball baraha.
Ang nakapagtataka, tila walang nakikitang galaw mula kay Oriental Mindoro PNP Provincial Director PCol Edison Revita at PRO4-B Regional Director PBGen. Christopher Dela Cruz.
Kung totoong nasa ilalim ng kanilang hurisdiksyon ang lugar na pinamamayagpagan ng iligal na sugal, bakit hanggang ngayon ay wala silang aksyon?
Hindi ba’t malinaw sa tungkulin ng isang PNP provincial director at Regional Director ng pulisya na sugpuin ang iligal na sugal sa kanilang nasasakupan?
Sa bawat araw na lumilipas na walang ginagawa ang mga nabanggit na police official, mas tumitibay ang impresyon na baka nga may malalim na ugat ang proteksyon sa iligal na sugal.
Kaya’t dapat ding umaksyon ang mas mataas na awtoridad—Paging PNP Chief, Jose Melencio Nartatez at DILG Secretary Jonvic Remulla.
Hindi lang kapulisan ang dapat tawagan ng pansin dito; kasama rin dapat si Governor Humerlito “Bonz” Dolor.
Ang pamamayagpag ng iligal na sugal ay hindi simpleng laro —isa itong salot na sumisira sa kabuhayan ng mga mananaya at nagpapalakas sa kultura ng katiwalian.
Kung magpapatuloy ang katahimikan ng mga dapat kumilos, baka sa huli, masira na rin ang tiwala ng taumbayan sa mismong mga institusyon na dapat ay nagtatanggol sa kanila.
Kung saan matatagpuan ang punong tanggapan ng Camp Efigenio Navarro Headquarters o ang Police Regional Office talamak ang iligal na sugal.
***
Reaksyon at Suhestiyon i-text sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email: balyador69@gmail.com