Advertisers
HINDI makikialam si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa kinasasangkutan ng kanyang pinsan, dating House Speaker si Martin Romualdez, sinabi ng Malakanyang nitong Lunes.
Ayon kay Palace Press Officer, Atty. Claire Castro, nananatiling matatag ang Pangulo na ang mga pagsisiyasat ay dapat gabayan lamang ng ebidensya, anuman ang maaaring sangkot dito.
“Hindi po makikialam ang Pangulo sa anumang pag-iimbestiga. Sabi nga po natin at ang sabi rin po ng Pangulo, kahit sino po ang maapektuhan nito, kung saan po pupunta ang ebidensiya, sundan nalang po,”sinabi ni Castro sa isang press briefing sa Malakanyang.
“So, kung ano po ang mangyayari sa anumang pag-iimbestiga dito, hindi po makikialam ang Pangulo at tatanggapin po .
Ang pahayag ay matapos ibunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na malapit nang makumpleto ng anti-graft body ang imbestigasyon sa umano’y multibillion-peso flood control anomaly na kinasasangkutan ni Romualdez.
Itinanggi ng kampo ni Romualdez, sa pamamagitan ng abogadong si Ade Fajardo, na may kinalaman siya sa mga umano’y iregularidad na kinasasangkutan ng flood control projects, sinabing walang ebidensyang nag-uugnay sa dating tagapagsalita sa anumang anomalya at handa siyang harapin ang legal na proseso kung masampahan ng kaso.
Ibinasura rin ni Castro ang mga alegasyon ng selective justice matapos sabihin ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na ang mga kaalyado ng administrasyon na nauugnay sa mga kuwestiyonableng flood control project ay hindi pa nahaharap sa mga kaso.
Sinabi niya na ang sistema ng hustisya ay nangangailangan ng ebidensya at angkop na proseso, hindi lamang mga akusasyon.
“Hindi po ganiyan ang hustisyang umiiral dito sa ating bansa – due process… Dito po, ang umiiral ay ebidensiya ..sabi pa niya
Binanggit ni Castro na nagsimula lamang ang imbestigasyon sa mga diumano’y anomalya sa pagkontrol ng baha pagkatapos mag-utos si Marcos ng pagsisiyasat noong nakaraang taon sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address, at idinagdag na ang Ombudsman at ang Department of Justice ay mabilis na kumikilos sa kabila ng pagiging kumplikado ng mga kaso at dami ng dokumentaryong ebidensya na kasangkot.
Hinamon din niya ang mga kritiko na magsampa ng mga reklamo kung mayroon silang ebidensya. (Vanz Fernandez)