Advertisers

Advertisers

IMPEACHMENT COURT PINATAWAG 2 EX-LAND BANK MANAGERS

0 7

Advertisers

INIUTOS ni Senate Impeachment Court Presiding Officer, Senador Francis Escudero, Miyerkules ng gabi ang pagpapalabas ng subpoena laban sa dalawang dating branch manager ng Land Bank of the Philippines (LBP) upang tumestigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa susunod na Miyerkules, Hulyo 29.

Ang mga ipapatawag ay sina Violeta Constantino, dating branch manager ng Landbank-Shaw Boulevard Branch sa Mandaluyong City; at Nenita Camposano, dating branch manager ng Landbank-Department of Education (DepEd) Branch.

Inaasahang ihaharap sila ng House prosecution panel bilang mga testigo kaugnay ng kasong isinampa laban sa Bise Presidente na kinabibilangan ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust, dahil sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential at intelligence funds na inilabas para sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong siya pa ang kalihim ng ahensiya.

Ang mga alegasyong ito ay nakapaloob sa Article I ng apat na Articles of Impeachment.

Ayon kay House lead prosecutor at Batangas Representatve Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, unang tatayo bilang testigo si Constantino, na susundan ni Camposano.

Tinanong ng defense counsel na si Atty. Mark Vinluan kung higit sa isang testigo ang ihaharap sa pagdinig sa Hulyo 29. Sumagot si Escudero na magpapalabas sila ng subpoena para sa dalawa bilang paghahanda.

“Maglalabas tayo ng subpoena para sa kanilang dalawa, kung kinakailangan,” ani Escudero.

Idinagdag pa niya na hindi pa matitiyak kung gaano katagal ang direktang pagtatanong, cross-examination, at posibleng re-cross examination, kaya’t pinaghahanda na ang magkabilang panig para sa dalawang testigo.

Sa kabuuang P612.5 milyon na confidential at intelligence funds na kinukuwestiyon, P500 milyon ang inilabas para sa Office of the Vice President habang P112.5 milyon ang inilaan sa Department of Education.

Ayon sa House prosecution, P448 milyon sa naturang pondo ang na-disallow ng Commission on Audit (COA). Kabilang dito ang P73 milyon na tuluyan nang idineklarang kuwestiyonable ng COA, dahilan upang atasan si Vice President Duterte at dalawa pang opisyal na isauli ang naturang halaga sa pamahalaan.

Iniulat din ng COA na ang buong P112.5 milyong confidential funds na inilaan sa DepEd ay nagastos sa loob lamang ng 11 araw.

Samantala, kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA) na marami sa mga tumanggap ng confidential funds ay walang anumang personal na rekord sa database ng ahensiya, itinuturing na hindi umiiral o “non-existent.” Kabilang sa mga pangalang binanggit ay ang May Grace Piattos.

Sa kabilang banda, iniulat ng Forensic Examination Division ng National Bureau of Investigation (NBI) na marami sa mga lagda na nakalagay sa mga acknowledgment receipt ng mga tumanggap ng confidential funds ay magkakahawig at lumalabas na iisa lamang ang gumawa o lumagda sa mga ito.