Advertisers

Advertisers

ISKO, SINALUDUHAN NG PUP SA PAGSUSULONG NG EDUKASYON!

0 4

Advertisers

Nagbigay-pugay ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila dahil sa patuloy nitong suporta sa edukasyon, pagsasanay, at pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga estudyante.

Tinanggap ni Manila Vice Mayor Chi Atienza ang pagkilala sa ngalan ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa ginanap na 4th Recognition Award for Collaborative Engagement (RACE) sa PUP Sta. Mesa Campus noong Biyernes, Hulyo 24.

Sa mensaheng ipinarating ni Domagoso sa pamamagitan ni Atienza, nagpasalamat ang alkalde sa PUP sa ibinigay na pagkilala at tiniyak na magpapatuloy ang lungsod sa pagsusulong ng mga programang magbibigay ng pag-asa at mas magandang kinabukasan para sa kabataan.



“PUP, maraming salamat sa tiwala at pagkilalang ito. Mas lalo pa nitong pinagtitibay ang aming pangako na maipagpatuloy ang mga programang magbibigay ng pag-asa at oportunidad sa bawat kabataang Pilipino,” ani Domagoso.

“Kapag ang gobyerno at edukasyon ay magkasama sa paglilingkod, walang pangarap na maliit at walang kabataang maiiwan,” dagdag pa niya.



Ayon naman kay Atienza, kabilang sa pangunahing prayoridad ng administrasyon ni Yorme sa ilalim ng Minimum Basic Needs Program ang edukasyon at paglikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho, kasabay ng pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan at pabahay.

Aniya, matibay ang paniniwala ni Mayor Isko na ang edukasyon ang susi sa pag-angat ng buhay ng bawat kabataan.



“And that is exactly the reason why the mayor is really supporting PUP, dahil naniniwala po siya na importante ang edukasyon at importante rin ang future employment ng mga ga-graduate dito,” pahayag ni Atienza.

Idinagdag pa niya na nais ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na higit pang palawakin ang pakikipagtulungan nito sa PUP upang mas maraming oportunidad ang magbukas para sa mga mag-aaral pagkatapos nilang makapagtapos.

Ibinahagi rin ng bise alkalde na kasalukuyang may 10 estudyante ng PUP na nagsasagawa ng kanilang on-the-job training (OJT) sa kanyang tanggapan, kung saan nagkakaroon sila ng aktuwal na karanasan sa pampublikong serbisyo at operasyon ng lokal na pamahalaan.

“Alam naman ng mga taga-Maynila na ako’y naniniwala sa tadhana, so ngayong araw, nakatadhana ako na mag-representa kay Mayor Isko dahil, as of the moment, meron po akong sampung estudyante mula sa PUP na naka-OJT rin sa aking opisina,” ani Atienza.

Binigyang-diin din niya na ito na ang ikalawang parangal na natanggap ni Mayor Isko sa loob lamang ng isang linggo, kasunod ng Special Achievement in GIS Award na iginawad sa Lungsod ng Maynila bilang pagkilala sa mahusay nitong paggamit ng makabagong teknolohiya sa disaster preparedness at emergency response.

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, tiniyak ni Atienza na bukas ang kanyang tanggapan sa mga mungkahing ordinansa at resolusyon na higit pang magpapalakas sa mga programa para sa mga estudyante at institusyong pang-edukasyon.

“Naniniwala po ako that if we all work together, hand in hand, we will all be able to make Manila great again,” pagtatapos ni Atienza.(BP)