Advertisers

Advertisers

ISKO, NAGPUGAY SA 112 TAON NG IGLESIA NI CRISTO

0 4

Advertisers

Nagbigay-pugay si Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa Iglesia ni Cristo (INC) sa pagdiriwang ng ika-112 anibersaryo nitong Lunes, habang binigyang-diin ang natatanging papel ng Maynila bilang lugar kung saan isinilang at nagsimulang lumago ang isa sa pinakamalalaking relihiyosong organisasyon sa buong mundo.
Sa kanyang “Talk to the People” Facebook Live, ipinaabot ni Domagoso ang kanyang taos-pusong pagbati sa Tagapangasiwang Pangkalahatan ng INC na si Ka Eduardo V. Manalo, Pangalawang Tagapamahalang Pangkalahatan na si Ka Angelo Eraño Manalo, at sa lahat ng miyembro ng Iglesia ni Cristo sa ngalan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at ng mga Manilenyo.
Ayon sa alkalde, malaking karangalan para sa Maynila na dito nagsimula ang kasaysayan ng Iglesia ni Cristo bago ito lumawak sa buong Pilipinas at sa iba’t ibang panig ng mundo.
Binalikan ni Domagoso ang tatlong mahahalagang makasaysayang lugar ng INC sa lungsod. Una rito ang kauna-unahang bahay-sambahan sa Punta, Sta. Ana na itinatag noong 1914 ni Ka Felix Y. Manalo. Sinundan ito ng kauna-unahang permanenteng gusaling simbahan sa Lokal ng Washington sa Maceda Street, Sampaloc, at ang isa sa mga unang pinakamalalaking kapilyang bato sa buong mundo na itinayo sa Lokal ng Moriones sa Tondo.
Ayon kay Domagoso, ang mga makasaysayang lugar na ito ay nagpapatunay na sa Maynila nagsimula ang paglalakbay ng Iglesia ni Cristo tungo sa pagiging isang pandaigdigang samahang panrelihiyon.
“Sa kasaysayan ng Lungsod ng Maynila at ng Iglesia ni Cristo, malapit po sa amin ito sapagkat dito nagsimula sa Maynila, lumaganap, lumaki, lumago, at nagbunga ng maraming miyembro o mga naging kapatid natin sa Iglesia ni Cristo sa buong Pilipinas, at ngayon po’y sa buong mundo,” ani Domagoso.
Ipinahayag din ng alkalde ang kanyang pagmamalaki sa patuloy na paglawak ng Iglesia ni Cristo sa ilalim ng pamumuno ni Ka Eduardo V. Manalo, kabilang ang iba’t ibang gawaing pangkawanggawa at pagpapalaganap ng pananampalataya sa iba’t ibang bansa.
“Kami po ay proud bilang Manilenyo sa pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos at paggabay sa ating mga kababayang Iglesia ni Cristo dito sa Lungsod ng Maynila na ngayon ay bahagi na ng buong mundo,” dagdag ni Domagoso.
Nagpaabot din si Domagoso ng pagbati sa mga miyembro ng Iglesia ni Cristo sa Maynila.
“Sa ating mga kapatid sa Lungsod ng Maynila, taos-puso po ang aming pagbati. We are proud of you,” aniya.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, nanalangin ang alkalde para sa patuloy na mabuting kalusugan at lakas ni Ka Eduardo V. Manalo upang maipagpatuloy ang pamumuno at paggabay sa mga miyembro ng Iglesia ni Cristo sa buong mundo.(BP)