Advertisers

Advertisers

GUTOM AT KALUSUGAN NG KABATAANG PILIPINO, TINUTUTUKAN NG ADMIN — MARCOS

0 3

Advertisers

Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang patuloy na hakbang ng pamahalaan upang tugunan ang problema sa gutom at kalusugan ng mga kabataang Pilipino.

Sa kanyang pinakabagong vlog, sinagot ng Pangulo ang mga liham mula sa mga kabataan na humihiling ng mas malaking atensyon ng gobyerno sa kanilang kalusugan at kapakanan.

Ayon kay Marcos, bagama’t hindi nabanggit sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang ilang isyung inilahad ng mga kabataan, hindi ito nangangahulugang hindi mahalaga ang mga ito.

Kabilang sa binigyang-diin niya ang Walang Gutom Program at pamamahagi ng 10-kilogram na sako ng bigas sa mga kwalipikadong pamilyang nangangailangan, anim na beses kada taon.

Binanggit din ng Pangulo ang feeding programs para sa mga kindergarten at Grade 1 pupils, gayundin ang karagdagang food assistance para sa mga nakatatandang estudyanteng nangangailangan nito.

Sa healthcare, sinabi ni Marcos na pinalawak ng pamahalaan ang tulong para sa mga dialysis patient, cancer patients, HIV/AIDS patients at mga nangangailangan ng mental health services. Itinampok din niya ang zero-balance billing sa mga ward ng Department of Health hospitals.

Iginiit ng Pangulo na nananatiling mataas na prayoridad ng kanyang administrasyon ang kalusugan ng kabataan at ng lahat ng Pilipino, dahil aniya, mahalaga ang sapat na pagkain at serbisyong pangkalusugan upang magkaroon ng mas maayos na buhay ang bawat mamamayan. (Gilbert Perdez)