MGA AHENSIYA SA LIKOD NG PAX SILICA, DAPAT MAGPALIWANAG UKOL SA TUBIG AT KURYENTENG GAGAMITIN — SEN. ERWIN TULFO
Advertisers
Inihayag ni Senator Erwin Tulfo na habang suportado niya ang Pax Silica, nananawagan din siya sa mga ahensiyang magpapatakbo nito na ipaliwanag nang husto ang ilang issues na ibinabato gaya ng kuryente at tubig na gagamitin.
“Sumusuporta po ako dito po sa Pax Silica pero at the same time, bago po natin yakapin ito at tanggapin, kailangan lang po natin maliwanagan,” ani Tulfo, kasabay ng suporta sa resolution na inihain ng kapatid na si Senator Raffy Tulfo, ukol sa Pax Silica at ang kaukulang imbestigasyo upang maliwanagan ang lahat.
Matapos umano niyang aralin ang isyu sa loob ng ilang araw, nakikita umano ni Sen. Erwin na maganda ang layunin ng proyekto dahil libong katao ang mabibigyan ng hanapbuhay.
“Siyempre, we will become a hub dito po sa artificial intelligence dito po sa Southeast Asia. Pero tulad po ng nabanggit din ni Sen. Raffy, na may mga kaakibat itong mga suliranin na dapat sigurong malinawan tayo. Kung ano ang dapat gawin ng iba’t- ibang ahensya. Una na po diyan, tama po yung tubig, dahil gugugol po ito bilang cooling. Saan po kukuha ang BCDA ng tubig? Saan po manggagaling?,” ani Sen. Erwin.
Dagdag pa niya: “Alam naman ho natin, wala namang malalaking lawa o ika nga dam diyan po sa Pampanga or sa Bulacan or Tarlac. Isa pa hong problema yung kuryente. Kailangan dapat din po masagot dito ng Department of Energy saan po kukuha ng kuryente at baka maapektuhan ang mga karatig na pook. Gayon din po yung tubig. Kailangan nating malaman, ipaliwanag sa atin ng BCDA o kung anong ahensya ang mamamahala diyan, na magiging sapat po ang supply na hindi po maapektuhan ang pangangailangan sa kuryente at tubig ng mga kababayan natin sa lugar na yon.”
Ayon pa kay Sen. Erwin, hindi na dapat maulit pa ang nangyari noon na may mga naipasang batas na sablay.
“Ayaw na po natin matulad po na maraming beses na po ng lehislatura ay nagpasa ng mga batas na sablay. Isa po diyan ang oil deregulation law. Isa po diyan yung EPIRA law na sa halip na makinabang ang kababayan natin, iba po ang nakikinabang,” pagbibigay-diin ni Sen. Erwin.
Aniya, dumarami ang nagrereklamo ukol sa Pax Silica kasama na ang mga local government units ng Tarlac.
Maging ang ‘indigenous people’ ay takot umano, kaya’t dapat na magkaroon ng paliwanag, lalo na pagdating sa kanilang kwestiyon ukol sa kung saan kukunin ang tubig at kuryente na gagamitin sa proyekto. (JERRY S. TAN)