Advertisers
MALAMANG na ito nanga ang pinakamahalagang hakbang ng pamahalaan sa posibleng pag-alis ng system loss charge na matagal nang ipinapasa sa mga konsyumer ng kuryente.
Ayon sa ulat, inatasan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang lahat ng Distribution Utilities (DUs), kabilang ang mga electric cooperative, na isumite ang kanilang system loss data mula 2021 hanggang 2025 bago ang August 3, 2026.
Ayon sa ERC, bahagi umano ito ng patuloy na pagtalakay sa mga panukalang amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), gayundin ang pagpapatupad sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na binigyan diin sa kanyang ika-5 State of the Nation Address (SONA) na alisin ang system loss.
Kabilang sa mga datos na hinihingi ng ERC ang kabuuang enerhiyang binili at naipamahagi, transmission cost, technical losses, non-technical losses o mga pagkawala ng kuryenteng dulot ng iligal na koneksyon at power pilferage, gayundin ang bahaging sinasalo na mismo ng distribution utility kapag lumampas sa itinakdang loss cap.
Bagama’t hindi pa tuluyang inalis ang system loss charge sa electric bill ng mga konsyumer, itinuturing itong mahalagang hakbang upang magkaroon ng kumpletong datos na maaaring maging batayan ng mga reporma sa paraan ng paniningil ng system loss sa buong bansa.
Samantala sa Oriental Mindoro, inaasahang kabilang din sa mga distribution utility na magsumite ang ORMECO sa naturang ulat na nagsu-suplay ng kuryente sa buong lalawigan.
Kapag naisa publiko ang mga isinumiteng datos, maaari nitong mabigyang-linaw kung gaano kalaki ang system loss na naipasa sa mga konsyumer sa nakalipas na limang taon.
@@@
Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com