Advertisers
PAG-AARALAN muna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang ipagpaliban ang 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) bago gumawa ng anumang paninindigan sa isyu, sinabi ng Malakanyang nitong Martes.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na hindi kaagad maaaring suportahan o tanggihan ng Pangulo ang panukala nang hindi muna matukoy kung bakit kailangang ipagpaliban ang halalan.
“Sa ngayon po ay dapat mabasa muna kung anuman po ang panukala,” sinabi ni Castro sa isang press briefing sa Malakanyang.
“Hindi po maaaring sumang-ayon agad, hindi puwedeng sumang-ayon or hindi sumang-ayon hanggat hindi nakikita kung kailangan ng ganitong klaseng panukala at bakit kinakailangan ma-postpone,” dagdag ni Castro.
Ang mga panukalang batas na naglalayong ipagpaliban ang 2026 BSKE at palawigin ang mga termino ng mga opisyal ng barangay at SK ay inihain sa parehong kamara ng Kongreso. Kabilang sa mga binanggit na dahilan para sa pagpapaliban ay ang patuloy na emergency sa enerhiya dahil sa krisis sa Middle East.
Gayunpaman, sinabi ni Castro na anumang panukala na nagbabanggit ng krisis sa enerhiya bilang katwiran para sa pagpapaliban ng halalan ay kailangang magtatag ng malinaw na batayan para sa naturang hakbang.
Hindi rin napag-usapan ang panukala sa katatapos na Legislative-Executive Development Advisory Council meeting kasama ang Pangulo, ayon kay Castro.
Ang BSKE ay dati nang ipinagpaliban sa pamamagitan ng batas, na ang pinakahuling pagpapaliban ay inilipat ang halalan sa Nobyembre 2026. (Vanz Fernandez)