Advertisers
Ni Mercy Lejarde
Sa loob ng maraming taon, buong puso at katapatan na ipinamalas ng icon na si Imelda Papin ang tunay na diwa ng paglilingkod sa bayan, pamumunong may malasakit, at walang sawang pagtulong sa kapwa Pilipino.
Bilang Board Director ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), naging bahagi siya ng mga programang nagbibigay ng tulong medikal, panlipunan, at pinansyal sa mga Pilipinong nangangailangan. Sa kanyang paglilingkod, ginamit niya ang kanyang impluwensiya upang itaguyod ang mga gawaing pangkawanggawa, pagkakaisa, at paglingap sa mga nangangailangan.
Bilang pagkilala sa kanyang panghabambuhay na dedikasyon sa serbisyo, malasakit sa kapwa, huwarang pamumuno, at mahalagang ambag sa bayan, buong pagmamalaking iginagawad ng Gawad Parangal ng Bayaning Pilipino kay Imelda Papin ang Lifetime Achievement Award bilang Huwaran sa Serbisyong Pampubliko at Serbisyong Pantao.
Ang kanyang buhay ay patunay na ang tunay na kadakilaan ay nasusukat sa mga buhay na natulungan, mga pusong napasigla, at pag-asang naibahagi sa kapwa.
“Ang tunay na bayani ay yaong ginagawang gawa ang malasakit at iniiwan ang pamana ng paglilingkod at pag-asa.”
Gawad Parangal ng Bayaning Pilipino
Pinararangalan si Imelda Papin—isang huwaran ng malasakit, paglilingkod, at pagmamahal sa bayan.
Congratulations, Mel! You truly deserve this recognition.
***
Handa nang ibida ng BINI ang OPM sa Japan ngayong weekend sa Mountain Stage ng 2026 Summer Sonic hatid ang kanilang biggest P-pop hits sa isa sa mga tanyag na music festivals sa Asya.
Magpapaindak sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena sa darating na Biyernes (Agosto 14), 14:40 – 15:20 JST sa Expo ‘70 Commemorative Park sa Osaka.
Dadalhin naman nila ang kanilang musika sa Tokyo sa Linggo (Agosto 16), 15:30 – 16:10 JST sa ZOZO Marine stadium and Makuhari Messe. Magkakaroon din ng livestream ang show sa Tokyo na eksklusibong mapapanood sa Japan sa pamamagitan ng WOWOW on Demand.
Isang annual music festival ang Summer Sonic na ginaganap sa isang weekend ng buwan ng Agosto sa dalawang rehiyon ng Japan tampok ang major international at Japanese artists. Bukod sa BINI, nakatakda ring magperform sa nasabing festival ang Filipino-Japanese singer na si Ena Mori at ang tinaguriang Kings of P-pop na SB19.
Samantala, tumanggap ng apat na nomination ang BINI sa 39th Awit Awards, kabilang ang Best Performance by a Group at Best Pop Recording para sa “Shagidi,” Best R&B Recording para sa “Katabi,” at Best Global Collaboration para sa “Blink Twice” kung saan kasama nila ang Indonesian singer na si Agnez Mo.
Kamakailan ay nagpasaya rin ang grupo sa Hawaii, Las Vegas sa Nevada, at Los Angeles, Rohnert Park, at San Diego sa California para sa kanilang BINI Signals World Tour.” Nakatakda naman silang bumalik sa North America sa susunod na linggo para sa pagpapatuloy ng world tour sa Vancouver sa Aug. 18, Calgary sa Aug. 21, Edmonton sa Aug. 22, Winnipeg sa Aug. 24, Toronto sa Aug. 27, at Brooklyn, New York sa Aug. 28.