Advertisers
Hindi umano matatapos sa pakikiramay ang aksyon ng Kongreso sa trahedyang naganap sa Ateneo de Zamboanga.
Ayon kay House Speaker Faustino Dy III, tutukuyin ng Kamara, sa pamamagitan ng pagsusuring nakabatay sa ebidensya, kung ano ang maaaring gawin upang higit na maprotektahan ang mga bata laban sa karahasan sa mga paaralan.
Ginawa ni Dy ang pahayag kasabay ng kanyang pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi at iginiit ang kahalagahan na maintindihan ang mga panganib na kinakaharap ng kabataan ngayon at pagtukoy sa mga puwang na maaaring maglagay sa kanila sa panganib.
“Bilang ama at lolo, masakit isipin na may mga magulang na naghatid ng anak nila sa paaralan ngayong araw, pero hindi na nila ito makakasamang umuwi,” sabi ni Dy.
Ayon sa lider ng Kamara, ang mga bata ngayon ay lumalaki sa mga kalagayang ibang-iba sa naranasan ng mga nakaraang henerasyon, kaya nalalantad sila sa mga bagong impluwensya at panganib na kailangang higit na maunawaan ng mga policymakers, magulang, at komunidad.
“They face influences and dangers that many of us did not have to deal with at their age. We owe it to them to understand that world better,” sabi ng lider ng Kamara.
“Hindi puwedeng matapos ang tugon natin sa pakikiramay at panalangin. Kailangan nating maintindihan kung bakit at paano ito nangyari, kung ano ang maaaring nakapigil dito, at kung ano ang dapat nating baguhin para manatiling ligtas ang ating mga anak sa paaralan,” sabi ni Dy.
Ayon pa sa lider ng Kamara, dapat suriin ng House ang umiiral na mga batas, polisiya, at safeguard at tukuyin kung may mga puwang na kailangang tugunan bago mangyari ang katulad na trahedya.
“Hindi natin puwedeng iyakan ang trahedyang ito ngayon, tapos kalimutan na lang bukas,” sabi pa nito. “Kikilos ang Kongreso nang maagap, batay sa ebidensya, at may paninindigang humanap ng mga solusyong tunay na magbibigay-proteksyon sa ating mga anak.”
“Our response will be guided by facts and evidence. Makikinig tayo sa mga eksperto at susuriin ang studies, research, at karanasan ng ibang bansa,” dagdag pa ng mambabatas. “At higit sa lahat, makikinig tayo sa mga magulang, guro at mismong mga kabataan.”
Iginiit ni Dy na dapat humantong ang trahedya sa tuloy-tuloy na pagkilos at hindi mawala sa atensyon ng publiko kapag lumipas na ang pagdadalamhati.(Henry Padilla)