Advertisers

Advertisers

BARBERS: P612.5M CONFI FUNDS PERA NG TAUMBAYAN!

0 8

Advertisers

IPINAAALALA ni House prosecution adviser Robert Ace Barbers sa mga Pilipino na ang P612.5 milyong confidential funds na kinukuwestiyon sa impeachment case ay nagmula rin sa pera ng taumbayan, kaya hindi lamang ito usaping pulitikal na kinasasangkutan ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Barbers, ang naturang halaga ay bahagi ng buwis na ibinabayad ng mga ordinaryong Pilipino, kabilang ang mga tindera sa palengke, drayber at maliliit na negosyante.

“Yang P600 million na yan, e contribution niya ng ating mga tindera sa kalsada, driver sa jeepney, driver sa tricycle, maliliit na mga negosyante,” ani Barbers sa isang online media briefing nitong Miyerkules.

Dahil dito, hinimok ni Barbers ang publiko na tutukan ang impeachment trial upang malaman kung paano ginamit ang pera ng bayan.

Aniya, dapat pakinggan ng mga Pilipino ang mga ebidensiyang inihaharap ng magkabilang panig at bumuo ng sariling konklusyon sa halip na umasa lamang sa mga pahayag na ginagawa sa labas ng Senate Impeachment Court.

“Dapat subaybayan ng ating mga kababayan itong impeachment trial na ito,” sabi ni Barbers, at hinikayat ang publiko na tingnan ang mga ebidensiya at “sila mismo nagbubuo ng opinion” batay sa mga inilalahad sa paglilitis.

Para kay Barbers, dapat maging interesado maging ang mga Pilipinong hindi mahilig sa pulitika dahil malaking halaga ng pera ng bayan ang sangkot sa usapin.

Aniya, galing ang pondo sa mga nagbabayad ng buwis na nagsisikap kumita para mabuhay at umaasang gagamitin ng tama ang pondo ng gobyerno.

Binigyang-diin din ng prosecution adviser na hindi lamang usapin kung dapat bang manatiling lihim ang mga confidential activities. Ang mahalagang tanong, aniya, ay kung nagamit at na-liquidate ba nang naaayon sa mga patakaran ang pampublikong pondong inilaan para rito.

“Hindi naman pwedeng confidential yung accountability,” giit ni Barbers.

Ipinaliwanag niya na bagama’t maaaring manatiling lihim ang detalye ng lehitimong intelligence at surveillance operations, kailangang maipakita pa rin ng pamahalaan kung paano ginamit at na-account ang perang publiko.

Dahil dito, sinabi ni Barbers na dapat seryosohin ng mga Pilipino ang usapin dahil bawat pisong sangkot ay mula rin sa kaban ng bayan.

“At dapat nga, seryoso tayo ngayon sa bawat pisong nakikita,” aniya, kaugnay ng mga alegasyon ng hindi wasto, ilegal at iregular na paggamit at liquidation ng confidential at intelligence funds.

Ayon kay Barbers, nagbibigay ang impeachment trial ng pagkakataon sa publiko na suriin ang mga ebidensiya at alamin kung sapat na naitatag ang mga alegasyon laban kay Duterte.

Binigyang-diin niya na ang magiging hatol ay dapat nakabatay sa mga ebidensiyang iniharap sa Impeachment Court at hindi sa mga pahayag o alegasyong pulitikal na ginagawa sa labas nito.