Advertisers
NAGBUWIS ng buhay ang isang tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP)at dalawang minerong na-trap, na sinasagip ng rescue team sa aksidente sa tunnel ng isang minahan sa Surigao City, Agusan del Sur noong Lunes.
Kinilala ang nasawi na sina Fire Officer 3 Rumar Mahinay, 41 anyos, miyembro ng Special Rescue Force at residente ng Barangay Rizal, Surigao City; at minero na sina Romeo Villamor Jr., 58; at Jorlic Ferol, 28.
Sa ulat, umaga ng Lunes nang magresponde ang BFP personnel sa isang small scale na minahan nang makatanggap ng report na na-trap ang dalawang minero na sina Villamor at Ferol.
Pumasok si Mahinay sa tunnel ng minahan dala ang kaniyang mga kagamitan kabilang ang apparatus para makahinga sa misyon na sagipin ang dalawang minero. Gayunman, habang hinihila na pataas ang isa sa dalawang minero ay biglang nasira ang tinutuntungang kahoy ng mga rescuer sa tunnel, bunsod upang mahulog muli sa ibaba si Mahinay at nagtamo ng injuries.
Nagawang maiahon ang duguang si Mahinay na isinugod sa Caraga Regional Hospital pero idineklarang dead-on-arrival, habang sugatan ang isa pang BFP personnel na si SFO1 Junril Lafuente Goring, 42, na nasapol ng bumagsak na kahoy.
Patay narin sina Ferol at Villamor nang marekober dahil sa kakapusan ng hangin.