Advertisers
NAG-ISYU ng warrant of arrest ang isang korte para sa babaeng alkalde ng Hadji Muhtamad sa Basilan, sa kanyang mister at iba pa kaugnay ng election-related na patayan sa kanilang ba-yan sa mismong araw ng halalan noong May 12, 2025.
Ang warrant laban kay Hadji Muhtamad Mayor Arsina Kahing-Nanoh, sa kanyang asawang si Nadz Nanoh, at sa kanilang mga kamag-anak na sina Walihul Allama, Hadji Rahim Kahim, Lucman Kahing, Tudy Bayro at Singh Hassan, ay inilabas noong Huwebes, August 20, ng Regional Trial Court Branch 2 sa Isabela City, Basilan, may lagda ni Judge Joseph Wee Sit.
Kaugnay ang warrant of arrest sa kasong isinampa ng Regional Prosecution Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Nakasaad sa resolusyon ang pagkakasangkot ng mga akusado sa pamamaril madaling araw ng May 12, 2025 sa karagatang sakop ng Hadji Muhtamad na ikinasawi ng mga pasahero ng isang pumpboat na sina Ben Bakil, Murasidol Abdurahman at Samir Jamiri Allil. Sugatan sa insidente ang kanilang mga kasamang sina Habir Alih at Saldi Alih.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, poll watchers at tagasuporta ang mga biktima ng noon ay kandidato sa pagka-alkalde na si Hadji Jamar Abdullah Mansul.
Sakay ang mga biktima ng isang pumpboat patungo sa polling site sa seaside Bara-ngay Sangbay Big nang pagbabarilin ng mga armadong sakay ng mga speedboat na pag-aari ni Kahing-Nanoh.
Natalo si Mansul sa halalan laban kay Kahing-Nanoh, na muling nahalal bilang alkalde ng Hadji Muhtamad, isa sa 11 bayan ng Basilan na sakop ng BARMM.
Sa resolusyon ng regional prosecutors, binigyang-diin na kabilang si Kahing-Nanoh sa mga iniuugnay sa krimen bilang may-ari ng mga speedboat na ginamit ng mga salarin.
Nahaharap silang lahat sa 3 counts of murder, 3 counts of frustrated murder at kasong serious physical injuries at walang inirekomendang pi-yansa para sa kanilang kinakaharap na mga kaso.
Nanawagan nitong Bi-yernes ang mga opisyal ng BARMM government sa Cotabato City sa supporters nila Mansil at Kahing-Nano na maging mahinahon at ipa-ubaya sa RTC 2 sa Isabela City ang paglitis ng kasong kinakaharap ng mga akusado.