Advertisers
MAG-IISYU ang Bureau of Customs (BOC) ng warrant of seizure and detention laban sa sports car ni Derek Ramsay dahil sa misdeclaration at hindi pagbabayad ng tamang buwis.
Nauna nang isinuko ni Ramsay sa Land Transportation Office (LTO) ang Porsche 918 Spyder nang mahuli gumagamit ng pekeng plaka habang nasa pampublikong kalsada.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno sa isang press briefing nitong Lunes, ipasusubasta ang sasakyan matapos ang seizure proceedings at hindi ito sisirain, wawasakin o ido-donate.
Ang Porsche 918 Spyder, na noon ay nagkakahalaga ng P50 milyon – P100 milyon, ay idineklara sa BOC bilang Porsche Boxster na tinatayang P10 milyon lamang ang halaga.
Na-import sa bansa ang sasakyan 2021.
Kinilala ni Nepomuceno ang importer na isang kompanya sa United Arab Emirates, ang shipper na Emirates National General Trade, consignee na Tobirama Enterprises, at BOC official na nangasiwa sa importasyon na si Richard Singh Colasco.
Batay sa dokumento, mahigit P1.8 milyon lamang ang binayarang duties, taxes at charges, dapat higit P30 milyon.
Sinabi ni Nepomuceno na maaari ring ipatawag sa imbestigasyon si Ramsay, na nagmay-ari ng sasakyan sa loob ng humigit-kumulang apat na taon.