Advertisers

Advertisers

ACOSTA: P125M PAGKUHA, PAG-ABOT SA SECURITY CHIEF, UTOS NI VP SARA

0 4

Advertisers

MULING iginiit ni Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer Gina Acosta sa mga senador nitong Lunes na si Vice President Sara Duterte ang nag-utos sa kanya na i-encash ang P125 milyon na confidential funds at i-turn over ang pera kay security chief Colonel Raymund Dante Lachica, na kalaunan ay nagsumite ng mga resibong may mga pangalang inamin ni Acosta na hindi tunay na pangalan.

Sa pagtatanong ni Senate President Sherwin Gatchalian, sinabi ni Acosta na personal na inutusan siya ni Duterte na kunin ang confidential funds upang buong halaga itong maibigay kay Lachica.

“Si VP po, Your Honor, para maibigay ko po, ma-i-release ko po ang pera na yun kay security officer,” ani Acosta.

Ayon sa kanya, malinaw ang utos ni Duterte. Pagka-encash sa LandBank, kailangan agad i-release ang pera kay Lachica.

“Ang sabi po niya (Duterte) sa akin, Your Honor, ‘pag ma-encash ko ang pera, Your Honor, i-release ko po sa security officer, Your Honor,” ani Acosta.

“Sinabi ni Ma’am VP, ‘pag ma-encash ko, ibigay ko sa kanya (Lachica).”

Ang P125 milyon ay inilabas ng cash, inilagay sa apat na traveling bag, at iniulat ng OVP na lubusang nagastos sa loob lamang ng 11 araw, mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022.

Nang tanungin kung ibibigay ba niya kay Lachica ang pera kahit walang direktiba mula kay Duterte, mariing sumagot si Acosta:

“Hindi po.”

Matapos maiabot kay Lachica ang cash, nagsumite ng mga acknowledgment receipt na nakapangalan sa mga gaya nina “Antonio Pagong”, “Timon Andrew Pusa”, “Shane Ngitngit”, “Don Piang”, “May Pamana”, at “Xuniso P. Belat”.

Kinuwestiyon ni Senator-Judge Erwin Tulfo kung tunay na umiiral ang mga taong ito at kung tunay nilang pagkakakilanlan ang mga pangalang nasa mga resibo.

“Alam niyo po yung mga pangalang Mary Grace Piattos, Chippy McDonald, Pusa, Pagong, Ngitngit, Belat, na hindi po totoo mga tao ito, na mga totoong pangalan? Alam niyo po yun?”, tanong ni Tulfo.

Sinundan pa niya ng tanong:

“Common sense lang po. Pusa, Pagong. May apelyido po bang Pusa, Pagong sa Davao?”

“Totoong tao po sila,” sagot ni Acosta.

“Pero hindi totoong pangalan?” tanong ni Tulfo.

“Yes po, Your Honor,” pag-amin ni Acosta.

Sa kanyang testimonya, lumitaw na bagama’t sinasabi niyang tunay na mga tao ang mga recipient, mga alyas at hindi tunay na pangalan ang ginamit sa mga dokumentong nagsilbing liquidation ng confidential funds.

Kinuwestiyon din ni Gatchalian kung paano matitiyak ni Acosta na hindi napunta sa bulsa ng iba ang pera gayong hindi niya personal na nasaksihan ang pamamahagi nito at hindi rin niya independiyenteng nabeberipika ang mga recipient.

Sinabi ni Acosta na lubos siyang umasa kay Lachica dahil ito ang itinalaga ni Duterte bilang security officer ng OVP.

“Buo po ang tiwala ko kay Colonel Lachica, Your Honor, kasi unang-una siya po ang dinesignate ni Vice President Sara, Your Honor, na Security Officer of the Office of the Vice President.”

Ayon pa kay Acosta, si Lachica rin ang nagpatupad ng mga programa sa ilalim ng confidential plan dahil ito ang eksperto sa mga operasyon sa ground.

Nang tanungin kung personal niyang nakita si Lachica na magbigay ng P100,000 kay “Antonio Pagong,” sinabi ni Acosta na wala siya roon nang mangyari ang transaksiyon.

“Hindi ko siya nakita, Your Honor, kasi wala po ako doon sa ground. Siya (Lachica) po ang nag-implement, Your Honor.”

Pareho rin ang sagot ni Acosta nang tanungin tungkol kina “Timon Andrew Pusa,” “Don Piang,” “Shane Ngitngit” at “Xuniso P. Belat.”

“Hindi ko nakita, Your Honor, kasi wala po ako doon sa ground. Si Colonel Lachica po, na Security Officer, siya po ang nag-implement, Your Honor.”

Samantala, tinanong ni Senator-Judge Raffy Tulfo kung bakit tinanggap ni Acosta ang mga acknowledgment receipt na may kakaibang pangalan, kulang na impormasyon at tila magkakaparehong pirma.

“Kung ordinaryong tao lamang ang nakakita ng mga dokumento, natural na magtatanong ito kung bakit magkakaiba ang pangalan pero iisa ang pirma. Hindi ho kayo nagtaka?”, tanong ni Tulfo.

Sinabi ni Acosta na tinanong niya si Lachica tungkol dito ngunit tinanggap din niya ang paliwanag nitong sensitibo at confidential ang impormasyon.

“Klinarify ko po iyon kay Colonel Lachica, Your Honor. At ang sagot naman niya sa akin, ‘Ma’am Gina, those are sensitive information, Ma’am Gina. At saka confidential in nature po ‘yun,’” ani Acosta.

Inamin din niya na tinanggap niya ang mga resibong walang petsa at pangalan, ngunit may pirma.

Ayon kay Acosta, sinabi sa kanya ni Lachica na kung ano ang mga dokumentong ibinigay nito, iyon na ang mga dokumentong mayroon siya dahil sensitibo umano ang mga transaksiyon at operasyon.

Dahil dito, pinuna ni Senator Raffy Tulfo si Acosta sa pagtanggap sa mga dokumento at sa bulag na pagsunod sa kanyang mga nakatataas kahit kapansin-pansin ang mga kakulangan sa mga ito.

“Naging istupido kayo sa ngalan ng isang tinatawag na blind loyalty. Nakapikit kung ano ‘yung sinasabi sa iyo ng nakakataas, sinusunod mo nalang,” diin ni Tulfo.