Advertisers
ARESTADO ang tatlong suspek, kabilang ang sinasa-bing babaeng mastermind, kaugnay ng pagbaril-patay sa isang utility worker sa loob ng isang fast-food restaurant sa Barangay Don Mariano Marcos, Jaen, Nueva Ecija, Huwebes ng umaga, Agosto 20.
Nakuhanan sa CCTV ang pamamaril.
Sa imbestigasyon ng Jaen Police Station, lumalabas na planado ang krimen at nag-ugat sa lumang alitan ng biktima at ng kaniyang dating katrabaho matapos itong masibak dahil sa kanilang pagtatalo.
Dahil sa galit, umupa umano ng hitman ang babae. Binayaran ang dalawa nitong kasabwat ng kabuuang P29,500 upang itumba ang biktima.
Nabatid na P13,000 ang ibi-nayad sa drayber ng getaway motorcycle, habang ang natitirang halaga ay napunta sa gunman na bumili pa umano ng revolver sa halagang P2,000 para gamitin sa pamamaril.
Unang nadakip sa follow-up operation ang drayber ng motorsiklo, na siyang nagturo sa tinutuluyan ng babaeng mastermind, habang huling nahuli ang gunman sa Barangay Valdefuente, Cabanatuan City.
Kasalukuyang nakakulong sa Jaen Police Station ang tatlong salarin, na nakatakdang sampahan ng kasong murder.