Advertisers
NILINAW ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson nitong Lunes na ang tungkulin ng isang Special Disbursing Officer (SDO) ay hindi lamang ministerial at maaari siyang managot sa mga kuwestiyonableng pagpapalabas ng pera na sangkot ang pampublikong pondong ipinagkatiwala sa kanya.
Ginawa ni Lacson ang pahayag habang tinatanong si Office of the Vice President SDO Gina Acosta, na kinumpirma sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na walang official receipts para sa mga P75 milyon halaga ng gastusing medikal at pagkain para sa confidential activities ng OVP.
“Ministerial ba ang pag-prepare and pagpirma mo sa PFP (physical and financial plan)? Wala kang oversight? Kung ano sabihin ni Col. Lachica, prepare, pirma, approve ng SDO?” tanong ni Lacson sa kanyang interjection, na tumutukoy sa papel ni Acosta sa paghahanda at pagpirma sa PFP.
“Kasi kung ministerial, sabi ko nga kanina opening na tanong ko, ikaw ang may fiduciary responsibility. Kung ministerial ka lang, di mo ginagawa trabaho mo, delikado ka,” aniya.
Sa pagtatanong ni Lacson, kinilala ni Acosta na may fiduciary responsibility siya. Dagdag niya na matapos i-encash ang mga tseke para sa confidential funds, ipagbibigay-alam niya ito kay OVP security officer Col. Raymund Dante Lachica at ibibigay sa kanya ang pera. Ang halaga ay depende sa object of expenditures na isinumite ni Lachica.
Noong huling quarter umano ng 2022, ang buong P125 milyon na kanyang winithdraw ay ibinigay kay Lachica. Para naman sa unang quarter ng 2023, sinabi niyang humigit-kumulang P80 milyon o higit pa ang ibinigay niya kay Lachica, base sa kanyang object of expenditures. Pinatotohanan din niya na naglabas siya ng pera kay Lachica matapos ang mga sumunod na withdrawal noong ikalawa at ikatlong quarters ng 2023.
Ipinaalala rin ni Lacson kay Acosta na maaari siyang managot sa mga pagbili ng supplies gaya ng pagkain, muwebles at gamot, kahit ang mga ito ay gagamitin para sa confidential activities.
“Sa pagkaalam ko pag-purchase ng supplies, maski pa gamitin sa confidential activities, kailangan may official receipts, may sales invoices na pirmado ng totoong tao, hindi alias,” pagtatapos niya. (Mylene Alfonso)