Advertisers
Nananawagan si Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso sa mga Manileño na mag-mask dahil sa toxic haze mula sa sunog sa kagubatan ng Indonesia na lumukob sa kabisera ng Pilipinas.
Kasunod ito ng babala tungkol sa mabilis na paglala ng kalidad ng hangin sa lungsod dahil sa transboundary haze na dulot ng patuloy na sunog sa kagubatan at lupain sa Kalimantan, Indonesia.
Sa kanyang “Talk to the People” via Facebook, sinabi ng Alkalde na nakapagtala ng nakababahala na reading ang mga air quality monitoring machines ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila bandang alas 6 ng umaga.
Tatlong istasyon sa Puregold Tayuman, Anda Circle, at San Sebastian Residences ang nakapagtala ng “Very Unhealthy” na Air Quality Index o AQI, habang dalawang istasyon sa Sta. Ana Hospital at Rajah Sulayman Park ay “Unhealthy for Sensitive Groups”.
Ayon ito sa datos din ng DENR-Environmental Management Bureau o DENR-EMB.
Ang real-time monitoring station ng DENR-EMB sa Mehan Garden, Manila City ay nakapagtala ng AQI na 231, na “Acutely Unhealthy”, kaya kabilang ang Maynila sa pinakagrabe ang epekto sa Metro Manila.
Para sa mga Manileño, mahigpit na nagpaalala ang alkalde lalo na sa mga may pre-existing health conditions, senior citizens, buntis, at mga estudyante, na magsuot ng mask sa tuwing lalabas.
Inirerekomenda rin niya na magdoble ng mask dahil sa tindi ng polusyon sa hangin.
Pinayuhan din ni Mayor Isko ang mga residente na kung walang mahalagang gagawin sa labas ay manatili na lang sa loob ng bahay at isara ang mga bintana para hindi makapasok ang kontaminadong hangin na maaaring makaapekto sa respiratory system.
Ipinaliwanag ni Domagoso* na ang haze ay dulot ng malalaking sunog sa Kalimantan at Sumatra, Indonesia, na ang makapal na usok ay itinutulak papunta sa Pilipinas ng umiiral na hangin.
Tiniyak ng Alkalde na naka-full alert ang Manila Health Department o MHD at ang pitong district hospitals ng lungsod sakaling dumami ang mga pasyenteng apektado ng masamang kalidad ng hangin.
Binanggit din ng Alkalde na nadagdagan pa ang problema sa kalusugan ng lungsod dahil kasabay nito ang pagtaas ng kaso ng leptospirosis dulot ng monsoon rains.
Inatasan na ni Mayor Isko ang Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department o MCDRRMD at Department of Environment and Public Services o DEPS na ipagpatuloy ang pag-monitor sa direksyon ng hangin at datos ng kalidad ng hangin, at magbabahagi ng updates sa publiko sa buong araw. (Jocelyn Domenden)