Advertisers

Advertisers

Martin R., hindi ka exempted sa Hustisya!

0 5

Advertisers

Totoo na ito, hindi lamang banta lamang o pangako lamang.

Pumapalakpak kami nang sabihin ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., hindi siya pangulo ng kaalyado, kapamilya, lalong hindi ng kadugo.

Mataginting, matapang ang pahayag ni PBBM: kahit ang pinsang buo niya –kung may ebidensiya na magtuturo. Hindi siya hahadlang na kasuhan at iharap sa korte ang pinsang buo na si ex-Speaker Martin Romualdez.

Habang marami tayong kababayan na naglalangoy pa sa mala-delubyong baha, isang makasaysayang hakbang ang isinagawa ng Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla: ang pagsasampa ng kasong plunder laban kay dating Speaker Martin Romualdez, isa sa pinakamakapangyarihang politiko sa bansa.

Isinasakdal si Martin na mastermind, siya ang utak sa pinakamalaking pandarambong sa kasaysayan ng ating bansa.

Ang halagang involved: sa kasong plunder (pandarambong) – ayon sa sakdal ni Ombusdman Remulla: P7.44 bilyong kickback mula sa flood control projects.

Umano, ayon sa paratang, nagkamal ng P7.44 bilyon mula sa palpak na flood control project mula 2022-2025, at co- accused ay si dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co – nagsiwalat sa video na utak ng pandarambong.

Si Co ang nagbunyag na male-maletang puno ng bilyong taxpayers money ang idineliber ng mga tauhan niya sa bahay ng dating best friend niya – si Romualdez.

Kinasuhan din ang staff ni Martin na si Jocelyn Sereno at Felecito Cristobal Guevarra, president ng Samahan Foreign Exchange Commission.

Batay sa Plunder Law (Rep. Act 7080, kapag lampas sa P50-milyon ang sangkot na halaga na pera ng bayan, walang piyansa ang kaso at agad ipatutupad ang arrest warrant at ikukulong ang akusado.

Walang sakit si Martin, pero biglang nagkasakit at dun na sa ospital sinilbihan ng warrant, at pagkat malubha raw ang sakit, hindi siya sa piitan mananatili kungdi sa ospital.

Lilinawin ko lamang, hindi pa nadidinig ang kaso at ang paratang na pandarambong ay hindi katumbas na si MR ay guilty na, at ang arrest warrant ng Sandiganbayan na isinilbi sa kanya sa ospital ay simula pa lamang ng pagpapanagot sa kanya.

Nais nating purihin si Ombudsman Boying Remulla sa ipinakitang tapang pagkat sa harap ng makapangyarihang impluwensiya at yaman ni Martin, pinatunayan niya na
siya ay may yagbols na patunayang ang batas ay dapat na pairalin nang walang sini-sino, walang kinatatakutan.

Pinanindigan ni Ombudsman, dapat walang kinikilingan ang batas, at walang exempted kahit pa ang isang Martin Romualdez.

Bilang pangulo, malaki ang impluwensiyahan ni PBBM na pigilin ang pag-uusig sa kanyang minamahal, kababata at kadugong pinsan-buo, pero hindi niya ito ginawa.

Ang aksiyon ng Pangulo ay isang matalas na paalaala sa lahat na ang pondong bayan, lalo na ang bilyon-bilyong piso para sa flood-control projects ay hindi pansariling alkansiya ng isang politiko, hindi sariling ATM na anytime ay magagawang i-withdraw at pakinabangan sa sarili at kalimutan na iyon ay dapat na pakinabangan ng taumbayan.

Ang paratang na pandarambong ay nagdulot ng maraming pinsala sa sambayanan: maraming namatay, nawalan ng kabuhayan, at lalong nagbabaon sa milyong Pilipino sa matinding kahirapan.

Tunay ngang kapuri-puri ang paninindigan ni PBBM na kaya niyang maisagawa ang pangakong uusigin ang kahit sino, kahit kaanak, kahit kaibigan, kahit pa nga si Martin Romualdez.

Pinatunayan ni PBBM, siya ay pangulo ng sambayanang Pilipino, walang kapamilya, at kung kailangang talikuran ang ugnayan ng dugo at pagkakaibigan sa politika, paiiralin niya ang prinsipyo ng hustisya.

Patunay ito na nakasalig sa integridad at katapatan sa mamamayang Pilipino ang pamumuno ni Pangulong Marcos!

Ang ginawa niya ay isang makabuluhang hakbang na naglalagay ng integridad sa sentro ng pamumuno.

Ito ang hamak kong paniniwala sa kahalagahan ng pagsasampa ng mga kasong plunder at iba pa, laban kay Martin at iba pa.

Malinaw ang intensiyon ni PBBM at ni Sir Boying: patibayin ang Rule of Law at pagsisikap na maibalik ang tiwala, ang kumpiyansa ng taumbayan – ang mga katulad ni Martin ay hindi dapat na katakutan, hindi siya exempted kung may mga katibayan ng mga paglabag at may mga testigo, testimony na nagtuturo sa kanyang pagkasangkot at pagmamanipula upang maibulsa ang pera ng taumbayan.

At ang mga katibayan na hawak ni Ombudsman Boying ay hindi maaaring matabunan, manapa, ilalantad sa mata ng ng bayan.

Higit sa lahat, ipinakikita nina Pangulong Marcos, at Ombudsman Remulla na taglay nila ang tapang ng paninindigan – sila ay may political will.

Handa nilang isakripisyo ang anomang ugnayan politika at personal na relasyon, para sa mas makapangyarihang paghusga ng Sandiganbayan, at sa prinsipyong kakampi sa interes ng bayan.

Tunay, aking masasabi, masusukat ang matapat na pamumuno sa kakayahan at tapang na gawin ang tama at isakripisyo ang personal na relasyon sa kaibigan, kaalyado at kadugo – na ginawa ni Pangulong Marcos.

Kahit masakit, ginawa niya ang tama at makatwiran.

Sa tapang na ipinakikita ni Sir Boying, at sa paninindigan ni PBBM, ngayon ay buhay na buhay ang pag-asa na ang salita ay tatayo, gagalaw, titindig sa pamamagitan ng matapat at tamang gawa!

At sa ginawa nila, ang pag-asa na ang hustisya ay malapit nang matanaw, at maipakikita, lalo na ni Pangulong Marcos: Siya nga ang Ama ng Sambayanang Pilipino.

Uulitin ko, Martin, na mas kilala rin sa tawag na Tambaloslos, hindi ka exempted sa pag-uusig ng batas.

Sa harap ng hukuman, mailalapat ang matagal nang inaasam na pagtuklas ng katotohanan, at ang totoong paglalapat ng hustisya!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.