Advertisers
Hinimok ni Senador Erwin Tulfo ang pamahalaan na pabilisan ang aksyon para makapagbigay nang maayos na danyos sa mga bitkima ng trahedya sa M/V June Aster, ang passenger ferry na nasunog sa Coron, Palawan noong Setyembre 9, kung saan umabot sa 77 ang nasawi habang walo ang nananatiling nawawala, dahilan upang ituring ito na “one of the country’s most deadliest maritime tragedies in recent years.”
“Nakakakilabot at napasakit po ng nangyaring ito. Hindi tayo pwedeng manahimik lang at pabayaan ang mga naulilang pamilya at ang mga survivors na labis na na-trauma,” ani Tulfo.
Ginawa ni Tulfo ang panawagan kasunod ng mga natanggap na ulat mula sa mga nagdadalamhating pamilya na pinauwi na lamang umano at pinaghihintay ng mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay. Ayon pa sa mga biktima, pinabayaan na umano sila ng operator ng ferry, ang Atienza Interisland Ferries Inc.
“Hindi po parcel ang labi ng kanilang pamilya! Puno ng pangarap yung mga kababayan natin na lumayag mula sa Baseco port, tapos ay mamamatay, mato-trauma at papabayaan lang? Kawalan ng hustisya ito!” pagbibigay-diin ng Senador na nagmula rin sa Palawan.
Muli ay hinimok ni Tulfo ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) na paspasan ang imbestigasyon at tiyaking mapapanagot nang husto ang kumpanya ng ferry.
“Ano ba talaga ang nangyari sa ferry na iyon? May mga inilagay ba doon na peligrosong kargamento? At bakit sa mga nakikitang video ng mga survivor, parang walang emergency protocols na sinunod noong sumiklab ang sunog?” pagtatanong pa ng Senador.
Dagdag pa niya: “At paano na rin ang danyos sa kanila? Dumudulog sa aking opisina ang mga biktima dahil wala man lang tumutulong sa kanila mula sa kumpanya matapos ang sakuna. Hindi natin pwedeng palagpasin lang ito,” ani Tulfo.
Tiniyak din ng Senador na dadalhin niya ang usaping ito sa Senado para maiabot ang hustisya para sa mga biktima at makabuo ng reporma sa sistema. (JERRY S. TAN)