Advertisers
Tutulong ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA sa rehabilitasyon at pagpapaunlad ng Roxas City Airport sa Capiz.
Personal na nagsagawa ng on-site inspection si TIEZA Chief Operating Officer Mark Lapid nitong Martes, kasama si Capiz First District Representative Howard Guinto.
Nagpulong din sina Lapid at Guinto kasama ang mga opisyal ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP upang talakayin ang mga plano para sa nasabing paliparan.
Ayon kay Lapid, may nakalaang 61.2 milyong piso mula sa TIEZA para sa pagpapabuti ng Roxas City Airport, partikular sa terminal building at mga paligid nito.
Inaasahang magsisimula ang TIEZA sa mga improvement works sa susunod na buwan.
Ipinaliwanag ni Lapid na may hiwalay na pondo ang CAAP para sa modular expansion ng terminal. Matapos ang modular expansion, papasok ang TIEZA upang isagawa ang interior works at iba pang improvements.
Bahagi ang rehabilitasyon ng Roxas City Airport ng iLIPAD o Institutionalized Leveraging Infrastructure Program on Airport Development ng TIEZA, na nakatuon sa pagpapabuti ng sampung domestic airports sa bansa.
Kabilang sa mga pagpapahusay ang pagre-redesign ng airport interiors, rehabilitasyon ng mga comfort room, arrival at departure areas, pagpapalawak ng baggage conveyors, pag-install ng bagong air-conditioning systems, at pagdagdag ng baggage carts at gang chairs na may charging ports.
Ayon kay Mark Lapid, mahalaga ang pagpapaunlad ng mga paliparan dahil ito ang isa sa mga pangunahing gateway ng turismo..
Bukod sa Roxas City Airport, sakop din ng iLIPAD program ang mga airport sa Butuan, Zamboanga, Tuguegarao, Siargao, Pagadian, Laoag, Kalibo, Dumaguete at Calbayo.