Advertisers
Ni Beth Gelena
Labis na humanga at naantig si Xyriel Manabat sa kababaang-loob na ipinakita sa kanya ni Anne Curtis noong magkasama silang nagtatrabaho sa seryeng It’s Okay to Not Be Okay.
Sa isang episode ng Ang Walang Kwentang Podcast, ibinahagi ni Xyriel ang isang karanasan niya kasama si Anne na hanggang ngayon ay hindi niya nakakalimutan.
Ayon kay Xyriel, nag-share sila ng kuwarto ni Anne noong may location shoot. Dahil hirap siyang makatulog at ginagamit niya ang taping bilang pagkakataon para makapagpahinga, nakatulog siya sa kanilang kuwarto.
Habang nagpapahinga siya, narinig niya ang team ni Anne na nag-uusap. Nagulat siya nang marinig niyang pinatahimik ni Anne ang kanyang mga kasama upang hindi maistorbo ang kanyang pagtulog.
“So, backpack lang kami doon. So, share kami ng room ni Ate Anne. Insomniac nga ako, tapos sa taping, doon ako nakakahanap ng pahinga or tulog. Siguro ‘yun rin ‘yung way ko mag-escape sa hiya or sa anxiety. Tulog ako, tapos siyempre Ate Anne na ‘yon—Anne Curtis na ‘yon—pinapatahimik niya ‘yung team niya,” Xyriel shared.
Ayon sa aktres, gising na talaga siya nang mga oras na iyon pero nahihiya lamang siyang bumangon. Kaya naman nagpatuloy na lang siya sa pagtulog.
Simple man ang ginawa ni Anne, malaki ang naging epekto nito kay Xyriel. Para sa kanya, ipinakita lamang nito kung gaano ka-considerate ang It’s Showtime host sa mga taong nasa paligid niya, kahit isa na siya sa mga kilalang artista sa industriya.
“Pag-uwi ko, bitbit ko ‘yon… Tumatak siya sa utak ko, grabe ‘no?! Si Ate Anne, may pakialam pa rin siya sa paligid niya kahit siya na ‘yon. Eh ‘yung ibang tao nga, walang nagpapahinga—magpapatugtog, magsisigaw, o kahit nandiyan sa gilid mo (at) may nagpapahinga, ang ligalig. Ang insensitive at hindi marunong makiramdam,”
Hindi rin itinago ni Xyriel ang paghanga niya sa pagiging mapagkumbaba ni Anne sa kabila ng kanyang tagumpay sa showbiz.
Para sa nakababatang aktres, isa itong mahalagang aral na natutunan niya kay Anne nang hindi ito kailangang ipaliwanag o sabihin mismo sa kanya.
“Kahit ‘yung may pinaka may karapatang mag-diva, grabe ‘yung humility. Wala siyang ere. Yung iba kaya nang paliparin ‘yung hot air balloon sa ere, wala talaga siya,” Xyriel said.
Sa pamamagitan lamang ng isang simpleng karanasan sa kanilang trabaho, nakita ni Xyriel ang isang katangian ni Anne na lalo niyang hinangaan—ang pagiging marunong makiramdam at may konsiderasyon sa ibang tao.