Advertisers
INIUGNAY ng isang dating pulis na nagsilbing security head ni noo’y House Speaker Lord Allan Velasco ang ngayo’y Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo sa paghahatid umano ng pera sa dating Speaker mula sa kontrobersiyal na contractor na sina Curlee at Sarah Discaya.
Ang asawa ni Quimbo na si dating Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo ay naging miyembro ng bicameral conference committee at nagsilbing senior vice chairperson ng House Committee on Appropriations sa panahon ng deliberasyon sa 2025 national budget.
Pagkatapos, itinalaga siyang acting chairperson ng komite matapos bumaba sa puwesto si kontrobersiyal na Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Naging bahagi rin si Quimbo ng tinaguriang small committee, kung saan lumitaw ang mga ulat tungkol sa umano’y mga insertion sa 2025 national budget.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, tinukoy ng dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr. si Quimbo bilang isa sa mga personalidad na pinagmulan ng mga cash delivery, at idinetalye ang ilang pagkakataon na aniya’y nagpapakita ng pagkakasangkot ng mambabatas sa paghawak at pagdadala ng perang nagmula sa mga contractor ng flood control.
Ayon kay Gracioso, mas naging madalas ang mga cash delivery sa bahay ni Velasco sa Valle Verde 2 matapos itong maging Speaker noong Oktubre 2020.
“Noong naging Speaker na si Boss Allan noong October 2020 ay lalong dumalas at dumami ang mga delivery ng pera sa bahay ni Boss Allan at Ma’am Wen sa Valle Verde 2 galing sa iba’t ibang personalidad tulad nila Cong. Zaldy Co, Sir Miro Quimbo, Atty. Honey Sipin, Discaya at Sarah Discaya at iba pang DPWH contractor,” ani Gracioso.
Iginiit din niya nakita rin niyang pumasok si Engr. Henry Alcantara sa bahay ng noo’y Rep. Zaldy Co sa Valle Verde 6 habang kumukuha sila ng pera mula kay Co.
Ayon kay Gracioso, direktang narinig niya kay Quimbo, sa isang pagkikita sa isang Starbucks branch sa Katipunan, na ang perang inihahatid ay nagmula kina Curlee at Sarah Discaya at iba pang DPWH contractors.
“Kay Sir Miro Quimbo ko din narinig noong nasa Starbucks Katipunan, malapit sa Miriam College, na galing ang pera kila Curlee Discaya at Sarah Discaya at iba pang DPWH contractor,” wika ni Gracioso.
Dagdag pa ni Gracioso, minsan ay inutusan siya ni Velasco na kumuha ng pera mula kay Quimbo sa isang Starbucks branch malapit sa Petron Katipunan, kung saan sinabi niyang nakita niya si noo’y DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral kasama ang mambabatas.
“Sa isang pagkakataon rin, nakita ko si Usec. Maria Catalina Cabral kasama si Sir Miro Quimbo sa Starbucks Petron Katipunan nung utusan ako ni Boss Allan na magpick up ng pera galing kay Sir Miro, na dinala ko naman sa No. 142 Sampaguita St. Valle Verde 2,” sabi pa niya.
Ayon sa kanya, binuksan niya ang package sa bahay sa Valle Verde upang bilangin ang pera bago ito ibigay kina Charmaine at Joan, na tinukoy niyang mga personal assistant ni Velasco.
Naalala rin ni Gracioso na inutusan ni Velasco na dalhin mula sa 142 Sampaguita St. ang dalawang malalaking maleta na naglalaman umano ng pera. Ayon sa kanyang alegasyon, nagmula ang pera sa mga koleksiyong umano’y ginawa nina Quimbo at abogadong si Honey Sipin.
“Hindi bababa sa 100M yung kabuuang laman ng maleta,” salaysay ni Gracioso.