Advertisers

Advertisers

P9.45M ARI-ARIAN NINA SARA AT MANS, SINILIP SA SALN

0 19

Advertisers

DALAWANG ari-arian na nagkakahalaga ng kabuuang P9.45 milyon na iniuugnay kay Vice President Sara Z. Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio ang sinuri sa Senate Impeachment Court batay sa mga opisyal na rekord ng Registry of Deeds.

Pinakahuli rito ang isang ari-arian sa Island Garden City of Samal, Davao del Norte na binili 2018 sa halagang P3,453,849 at hanggang ngayon ay nakarehistro sa pangalan ni Carpio.

Ayon sa ‘offer of testimony’ ng prosekusyon para kay Atty. Marco K. Pineda, acting Register of Deeds ng Samal, saklaw ng TCT No. 142-2019013134 ang naturang property at nakapangalan kay “Atty. Manases Carpio, married to Vice President Sara Duterte.”



Batay sa Deed of Sale, nabili ang property 2018 sa halagang P3,453,849.

Ayon sa prosekusyon, nananatiling nakarehistro kay Carpio ang ari-arian hanggang sa kasalukuyan.



Ang Samal property ang ikalawang ari-arian na isinailalim sa pagsusuri batay sa mga rekord ng Registry of Deeds, kasunod ng hiwalay na P6 milyong property sa Matina, Davao City.

‘NASA SALN BA?’
Ayon kay House prosecution adviser at spokesperson Robert Ace Barbers, ang dalawang property ay nagbubukas ng tanong hinggil sa kumpletong deklarasyon ng mga ari-arian sa SALN.
“Una, P6 milyon sa Matina. Ngayon, P3.45 milyon sa Samal. Dalawang properties. Dalawang official government records. Ang tanong: kung required silang ideklara, nasaan sila sa sworn SALN?” ani Barbers.
Kapag pinagsama ang acquisition price ng dalawang property, umaabot sa P9.45 milyon ang halaga ng mga ito.
“Hindi na isang property ang pinag-uusapan. Sa dalawang property pa lamang na inilabas ngayong araw, halos P9.5 milyon na ang acquisition value. Hindi puwedeng basta i-dismiss iyan bilang maliit na detalye,” ani Barbers.
Dagdag niya, “Para sa ordinaryong Pilipino, P3.45 milyon is not loose change. At ang mas malaking tanong: kung asset ito na required ideklara, bakit hindi ito makikita sa sworn declaration?”



‘ANG PANUNUMPA ANG MAS MALAKING USAPIN’
Binigyang-diin ni Barbers na hindi lamang ang halaga o pagmamay-ari ng property ang mahalagang usapin, kundi kung ito ay dapat na isinama sa SALN.
“Ang P3.45 milyon ay isang kuwento. Ang oath ang mas malaking kuwento,” ani Barbers.
“Ang SALN ay sinumpaang affirmation ng iyong yaman. Hindi ito form na puwedeng piliin kung anong asset ang ilalagay. Kung required ideklara ang property, you disclose it. At kapag pinirmahan mo ang iyong SALN, inilalagay mo ang iyong oath sa likod ng deklarasyong iyon,” dagdag niya.
Ayon sa prosekusyon, may kaugnayan ang testimonya ni Pineda sa Article II allegations nito hinggil sa unexplained wealth, false SALNs at continued business interests.
Gayunman, sinabi rin ni Barbers na kailangang maitatag muna batay sa umiiral na disclosure rules, mga kaugnay na SALN at iba pang ebidensiya kung kinakailangang ideklara ang naturang property at kung may naganap na sinadyang omission.

‘HINDI ESCAPE CLAUSE ANG PANGALAN NI MANS’
Ayon kay Barbers, hindi awtomatikong nawawala ang usapin sa SALN disclosure dahil nakapangalan ang property kay Carpio.
“Hindi escape clause ang pangalan ni Mans Carpio,” ani Barbers.
“Ang official record mismo identifies Manases Carpio and his marriage to Vice President Sara Duterte. Kung covered ng SALN disclosure requirement ang property ng spouse, hindi nawawala ang disclosure obligation dahil pangalan ng asawa ang nasa titulo,” paliwanag niya.
Partikular na nakasaad sa land record ang pangalan ni Carpio bilang registered owner at ang kanyang pagiging asawa ni Vice President Sara Duterte.

BINILI NOONG 2018, NAKAPANGALAN PA RIN
Itinampok din ni Barbers ang tagal ng pagkakarehistro ng property.
“2018 binili. Hanggang ngayon, ayon sa Registry of Deeds, nakapangalan parin kay Mans Carpio,” ani Barbers.
Aniya, maaaring suriin ng Senado ang property records at ihambing ang mga ito sa mga kaugnay na SALN upang matukoy kung tama at kumpleto ang naging disclosure.

DALAWANG PROPERTY, DALAWANG REKORD
Para kay Barbers, mahalaga ang ikalawang property dahil nadaragdagan ang mga dokumentong maaaring ikumpara sa mga sinumpaang deklarasyon.
“Kung isang property lang, may isang discrepancy na kailangang ipaliwanag. Pero kapag may pangalawang independent government record, the question becomes larger,” ani Barbers.
“Matina. Samal. Property by property, document by document, SALN by SALN. The Senate can determine whether these are isolated discrepancies or evidence of a broader pattern,” dagdag niya.
Binigyang-diin naman niya na ang impeachment court ang dapat tumukoy kung ano ang pinatutunayan ng mga ebidensiya.
“Hindi namin hinihingi sa Senado na maniwala sa slogan. Tingnan ang dokumento. May TCT number. May Deed of Sale. May purchase price. May registered owner. May sworn SALNs. Pagtabihin lahat,” ani Barbers.

POSIBLENG SALN VIOLATION
Ayon kay Barbers, inihahain ng prosekusyon ang mga rekord bilang bahagi ng Article II allegations nito tungkol sa unexplained wealth at false SALNs.
Gayunman, kailangan paring mapatunayan kung sakop ng disclosure requirement ang naturang property sa partikular na SALN at kung ang anumang hindi pagdedeklara ay ginawa nang may kinakailangang kaalaman o intensyon.
Kung mapatutunayan ang mga kinakailangang elemento, maaaring maging bahagi ang ebidensiya ng mga alegasyon hinggil sa paglabag sa SALN disclosure requirements at constitutional accountability sa ilalim ng Article II.
Samantala, sinabi ni Barbers na ang anumang hiwalay na kasong kriminal, gaya ng perjury, ay nangangailangan ng hiwalay na pagpapatunay sa lahat ng elemento nito, kabilang ang kinakailangang intensyon.
“Hindi natin kailangang mauna sa ebidensya. Simple ang sequence: May property ba? Oo. May official record ba? Oo. Magkano? P3.453 milyon. Kanino nakapangalan? Mans Carpio. Since when? 2018. Nasa pangalan pa rin ba niya? According to the Registry, yes,” ani Barbers.
“Ngayon, gawin ang susunod na comparison: required ba itong ideklara, at nasa SALN ba?” dagdag niya.

‘DALAWA NA. ILAN PA?’
Sa pagtatapos, binigyang-diin ni Barbers ang pinagsamang halaga ng dalawang property.
“Kanina, P6 milyon sa Matina. Ngayon, P3.45 milyon sa Samal. Dalawang properties na, halos P9.5 milyon ang combined acquisition value. Dalawang Registry of Deeds records. One sworn disclosure obligation,” ani Barbers.
“Ang SALN ay hindi suggestion. It is a declaration under oath,” dagdag niya.
“Una, Matina. Pangalawa, Samal. Dalawa na. Ilan pa ang nakatago?”