Advertisers
PINAGTIBAY ng Commission on Audit (CoA) ang ‘notice of disallowance’ sa P73-million confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ito’y matapos ibasura ng COA ang ‘motion for reconsideration’ ng opisina ni VP Sara Duterte sa notice of disallowance sa pondong kasama sa P125 million na ginastos lang sa loob ng 11 araw noong 2022.
Sakop nito ang P69 million na ginamit sa pagbabayad ng pabuya at mahigit P3 million sa pagbili ng mga lamesa, upuan, desktop computer at printer.
Iginiit ng CoA na iregular at ilegal ang paggastos sa pondo ng OVP dahil nabigong sumunod sa patakaran ng Joint Circular 2015.
Nabigo rin ang opisina ni VP Sara na magsumite ng dokumentong magpapatunay na matagumpay ang isinagawang information gathering o surveillance activities kungsaan ginamit ang pondo bilang pabuya sa impormante.
Ayon sa CoA, hindi sapat ang acknowledgement receipts para patunayan ang pagbili ng ari-arian gamit ang pondo ng bayan.
Liable din si dating OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta dahil sa pagpapalabas ng cash advance gayundin si OVP Chief Accountant Julieta Villadelrey dahil sa pagsertipikang kumpleto ang supporting documents.
Dahil dito, inatasan si VP Sara at 2 opisyal ng OVP na ibalik ang P73 million confidential funds.
Bukod pa ito sa P375 million na confidential funds na ipinababalik dahil walang naisumiteng documentary evidence.
Sa kabuuan, P448 million ang kailangan ibalik ni VP Sara sa gobierno.
Sa pahayag, iginiit ng OVP na inaasahan na ang desisyon at handa silang sumagot sa angkop na legal channels.