Advertisers

Advertisers

P98M YAMAN, NASAAN SA SALN NI VP SARA?

0 25

Advertisers

TINUKOY ng House prosecution nitong Huwebes ang umano’y mga diperensya na mula mahigit P80 milyon hanggang P98 milyon kada taon sa pagitan ng mga deposito sa bangko, insurance investments at iba pang ari-ariang iniuugnay kay Vice President Sara Z. Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio, kumpara sa mga halagang idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) mula 2022 hanggang 2025.

Ayon kay House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, ipinakita ng paghahambing ng prosecution kada taon na may hindi naideklarang halaga na mahigit P80 milyon noong 2022, P98 milyon noong 2023, P66 milyon noong 2024 at P70 milyon noong 2025.

“Noong 2023, merong P98 milyon na kabuuang suma-total sa lahat po ng na-mention namin—banks, insurance, properties and guns, na hindi po nila maideklara. Meron pa silang butal,” ani Alonto Adiong sa isang press briefing.



Batay ang mga naturang halaga sa financial records at testimonya na iniharap sa impeachment trial ni Duterte sa Senado, kabilang ang mga ebidensiyang nagmula sa mga kinatawan ng mga bangko at insurance company.

Noong 2022, tinukoy ng prosecution ang mahigit P59 milyon na year-end bank balances at higit P35 milyon na insurance at investment payments, kumpara sa wala pang P14 milyon na idineklarang other personal properties. Lumampas sa P80 milyon ang umano’y hindi naideklarang halaga.



Noong 2023, binanggit ng prosecution ang mahigit P71 milyon na bank balances, higit P35 milyon sa insurance at investment payments, at mga baril na nagkakahalaga ng mahigit P7 milyon, laban sa wala pang P15 milyon na idineklarang other personal properties. Lumampas sa P98 milyon ang umano’y diperensya.

Noong 2024, tinukoy ng prosecution ang mahigit P22 milyon na bank balances, higit P59 milyon na insurance at investment payments, at mga baril na nagkakahalaga ng mahigit P7 milyon, kumpara sa wala pang P22 milyon na idineklarang other personal properties. Lumampas sa P66 milyon ang umano’y hindi naideklarang halaga.



Noong 2025, binanggit ng prosecution ang mahigit P39 milyon na bank balances, higit P54 milyon na insurance at investment payments, at mga baril na nagkakahalaga ng mahigit P7 milyon, laban sa wala pang P30 milyon na idineklarang other personal properties. Lumampas sa P70 milyon ang umano’y diperensya.

Binigyang-diin ni Alonto Adiong na nagdeklara si Duterte ng zero cash on hand at zero cash in banks sa kanyang mga SALN para sa mga naturang taon, sa kabila ng mga balanseng lumitaw sa trial.

“Wala daw po siyang pera, zero in cash in hand or cash in bank,” ani Alonto Adiong.

“Pero nakikita naman po natin doon sa lumabas na mga testimonya na galing po sa insurance companies, pati sa mga bank managers, na meron pong mga deposit na meron pong mga pera under the name of Sara Duterte and her husband Atty. Mans Carpio,” dagdag niya.

Kinuwestiyon din ni Alonto Adiong ang mga insurance investments ng mag-asawa na umabot sa P35.2 milyon noong 2022, P35.9 milyon noong 2023, P59.6 milyon noong 2024 at P54.4 milyon noong 2025.

Tinukoy niya ang BDO Life bilang insurance company na may pinakamalaking investment amount sa mga kumpanyang isinama sa presentasyon ng prosecution.

“Una, tatandaan po natin, hindi po ito naideklara sa kanilang SALN. Remember, ang mga investment plans po ay considered to be an asset,” aniya.

Ayon sa mambabatas, ang insurance investments lamang ay lumampas sa mga halagang idineklarang other personal properties ng tinatayang P21 milyon noong 2022, P21 milyon noong 2023, P38 milyon noong 2024 at P25 milyon noong 2025.

Partikular niyang kinuwestiyon noong 2024 ang P59.6 milyon na insurance investments kumpara sa humigit-kumulang P22 milyon na idineklarang other personal properties.

“Pero kung ibabangga po natin sa actual na investment na binili po nila sa mga insurance company, nagkakahalaga ng P59.6 milyon, meron pong butal o hindi ma-explain o hindi declared na P38 milyon in 2024,” ani Alonto Adiong.

Kinuwestiyon din ng prosecution ang dalawang real property na nakarehistro sa pangalan ni Carpio sa Davao City at Island Garden City of Samal, na may pinagsamang halaga ng pagbili na humigit-kumulang P9.45 milyon.

Kabilang dito ang 379-square-meter na ari-arian sa Matina, Davao City, na binili sa halagang P6 milyon, at isa pang property sa Samal Island na nakuha sa halagang tinatayang P3.45 milyon.

Kinuwestiyon ni Alonto Adiong kung maayos na naideklara ang mga naturang ari-arian, dahil aniya ay may mga nakikitang pagkakaiba sa paglalarawan ng mga ito sa land titles at sa mga SALN ni Duterte.

Isinama rin ng prosecution ang testimonya mula sa Philippine National Police Firearms and Explosives Office, na tumukoy sa mga baril na nakarehistro kina Duterte at Carpio na may pinagsamang halaga na mahigit P7 milyon.

Isinama ang mga baril sa paghahambing ng prosecution sa mga ari-arian para sa 2023, 2024 at 2025, habang hindi pa matukoy ang halaga ng mga ito para sa 2022.

Iginiit ni Alonto Adiong na ang mga financial records at iba pang ari-arian ay nagbabangon ng mga katanungan hinggil sa yaman ng mag-asawa at sa pagiging kumpleto ng mga idineklarang ari-arian ni Duterte.

Ang umano’y mga diperensya ay bahagi ng Article II ng impeachment complaint, na nag-aakusa kay Duterte ng unexplained wealth at kabiguang tapat na ideklara ang kanyang mga ari-arian.