Advertisers

Advertisers

ICC prosecution, maghahanda ng 5 testigo sa kaso ni Digong bago ang Christmas break

0 22

Advertisers

NAKATAKDANG magharap ang prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) ng limang testigo sa paglilitis sa kasong crimes against humanity laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte bago ang Christmas recess ng korte.

Ayon kay Senior trial lawyer Julian Nicholls, inaasahang personal na tetestigo sa The Hague ang mga testigong binigyan ng protective codes maliban kung magkaroon ng hindi inaasahang problema sa paghahanda.

Maaari silang magbigay ng live testimony o gumamit ng mga naunang nakasulat na pahayag alinsunod sa ICC rule 68.



Tinalakay din sa status conference ang paggamit ng prosekusyon ng open-source materials, kabilang ang humigit-kumulang 1,000 clipping ng mga pahayagan tungkol sa mga pagpatay sa Davao City noong alkalde pa si Duterte.

Kinuwestiyon ni presiding judge Joanna Korner kung kinakailangang isama ang lahat ng naturang ulat sa opisyal na rekord ng paglilitis.



Depensa pa ni Nicholls, mahalaga ang mga dokumento dahil tinipon umano ang mga ito noong panahong walang opisyal na ahensiyang sistematikong nagtatala ng mga extrajudicial killing.

Aniya, maaari rin itong may kaugnayan sa usapin ng kaalaman at kamalayan ng mga namumuno noon.



Samantala, sinabi ng defense team ni Duterte na lumampas na sa 18,000 item ang listahan ng ebidensiya, kabilang ang isang data set na may 8,393 item mula sa mga operasyon ng Philippine National Police mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.

Hinikayat ng mga hukom ang prosekusyon na bawasan pa ang mga duplicate na dokumento upang mapanatiling nakatuon sa mahahalagang ebidensiya ang paglilitis.