Advertisers

Advertisers

SARA, ‘GUILTY’ INAASAHAN NG MAS MARAMING BOTANTE

0 22

Advertisers

MALUGOD na tinanggap ng mga tagausig ng Kamara nitong Lunes ang resulta ng isang survey na nagpapakitang mas maraming botante ang umaasang mapapatunayang may sala si Vice President Sara Z. Duterte kaysa mapawalang-sala, habang iginiit na isinagawa ang nasabing survey bago iharap ni Forensic Financial Analyst Alexander Cabrera ang kanyang mga natuklasan hinggil sa hindi maipaliwanag na yaman ng mag-asawang Sara at “Mans” Carpio.

Sa survey ng PUBLiCUS Asia PAHAYAG na isinagawa Oktubre 1 hanggang 4, lumabas na 44 porsiyento ng mga rehistradong botante sa Pilipinas ang umaasang mahahatulang ‘guilty’ si Duterte, kumpara sa 31 porsiyentong naniniwalang siya ay mapapawalang-sala at 25 porsiyentong hindi pa makapagpasya.

Gayunman, ang 44 porsiyento ay kumakatawan lamang sa pinakamalaking bahagi ng mga sumagot at hindi sa mayorya. Sinukat din ng survey ang inaasahang kahihinatnan ng paglilitis, hindi ang pinal na hatol ng Senado.



Sa isang press conference sa House Media Center nitong Lunes, Oktubre 20, sinabi ni lead prosecutor Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas na nagbibigay-lakas sa panig ng prosekusyon ang resulta ng survey habang naghahanda silang kuwestiyunin ang mga testigo ng depensa sa pagpapatuloy ng paglilitis sa Nobyembre 9.

“Para sa akin, ipinapakita nito ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa mga ebidensiyang inilahad ng prosekusyon hanggang sa panahong isinagawa ang survey,” ayon kay Luistro, kinatawan ng ikalawang distrito ng Batangas.



Aniya, isinagawa ang survey bago paman tumestigo si Cabrera.

Nagbigay ng testimonya si Cabrera noong Oktubre 9 at tinapos ito noong Oktubre 12.



Sa kanyang pagsusuri, unang tinaya ni Cabrera sa humigit-kumulang P817.87 milyon ang hindi maipaliwanag na yaman ng mag-asawa. Kalaunan, tinalakay rin niya ang posibleng mas mataas na pagtataya na aabot sa halos P1.5 bilyon batay sa mas malawak na mga palagay.

Nauna rin ang survey sa naging desisyon ng prosekusyon noong Oktubre 13 na bawiin ang tatlo sa mga artikulo ng impeachment, at ituon ang kaso sa Article II na tumatalakay sa hindi maipaliwanag na yaman, paglabag sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at pagkakaroon ng ipinagbabawal na interes sa negosyo.

“Panahon din iyon na hindi pa namin binabawi ang tatlong artikulo,” dagdag ni Luistro.

Binigyang-diin din ni House Prosecutor Joel Chua ng Maynila ang panahon kung kailan isinagawa ang survey.

Ayon kay Chua, makatutulong sa publiko ang mga sumunod na paglalahad ng mga rekord pinansiyal at pagsusuri ng eksperto upang masuri ang kaso. Gayunman, nilinaw niyang nasa mga senador-huwes pa rin ang pagpapasya sa magiging hatol.

“Nasa kamay ng ating mga kagalang-galang na senador-huwes ang desisyon,” ani Chua.

Samantala, sinabi ni House Prosecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na kailangang sagutin ng panig ng depensa ang mga detalye ng mga ebidensiyang pinansiyal sa halip na hayaang hindi masagot ang mga tanong ng prosekusyon.

“Kailangan talaga nilang ipaliwanag ang bawat detalye,” ani Ridon.