Advertisers
NANAWAGAN si Senador Imee Marcos sa pamahalaan na pabilisin ang proseso ng pagpapalaya sa mga persons deprived of liberty (PDLs) na kuwalipikado nang makalaya lalo na ang mga senior citizen, may sakit, at matagal nang nakapiit.
“Ipalaya na ang mga lola! Sana may kumpletong listahan na. Pagpilitan natin, gawin natin, maging makulit tayo,” panawagan ni Marcos sa Department of Justice matapos bumisita sa Correctional Institution for Women (CIW) noong Lunes, bilang bahagi ng pagdiriwang ng 32nd National Correctional Consciousness Week (NACOCOW) 2026.
Ayon sa senador, nasa 240 PDLs na ang nakatakdang makalaya, kabilang ang 54 na may edad 60 pataas.
Sa kabuuan, 810 PDLs na ang natukoy na kuwalipikadong palayain sa pamamagitan ng executive clemency, parole, pagtatapos ng maximum sentence, at iba pang mekanismo sa ilalim ng Department Order No. 625 ng Department of Justice (DOJ).
Giit ni Marcos, dapat bigyang-prayoridad ang mga matatandang bilanggo, lalo na ang mga may karamdaman at mahigit dalawang dekada nang nakakulong.
“Sobra-sobra na ang siksikan sa mga kulungan, at kulang na kulang ang budget ng BJMP. May mga lola na matanda na, mahina na ang katawan, at napakatagal nang nakakulong. Kung qualified na silang makalaya, huwag na nating patagalin pa. Bigyan natin sila ng pagkakataong makasama ang kanilang pamilya,” paliwanag ni Marcos.
Binigyang-diin ng senador na mahalagang mapabilis ang pagsusuri sa mga kaso ng mga kuwalipikadong PDL upang hindi na sila magtagal sa kulungan kung maaari na silang palayain alinsunod sa umiiral na batas at mga patakaran. (Mylene Alfonso)