Advertisers
BIGONG madakip ng mga pulis ang dating Bureau of Corrections (BuCor) chief na si Gerald Bantag, na nagpapanggap umanong trabahador sa isang manukan sa Lamut, Ifugao.
Si Bantag ang itinuturong utak sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid noong 2022.
Nitong Lunes, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na nagsagawa sila ng operasyon sa isang poultry farm sa Barangay Pugol nitong Linggo pero bigo silang makita sa lugar si Bantag.
“Police conducted an operation at a poultry farm in Barangay Pugol, Lamut, Ifugao on November 1 after receiving information that Bantag was hiding there and posing as a poultry worker,” saad ng PNP sa isang statement.
Gayunman, tiniyak ng PNP na patuloy ang kanilang pagtugis kay Bantag.
Ayon kay PNP chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr., magpapatuloy ang pagsisikap ng mga awtoridad upang maisilbi ang warrant of arrest na inilabas ng korte laban kay Bantag.
“We will not allow the passage of time or repeated attempts to evade arrest to weaken our resolve. The PNP will remain relentless in pursuing those who are wanted by the law,” ani Nartatez.
“Every lead will be pursued, every lawful opportunity will be acted upon, and we will not stop until they are brought before the courts to answer for the charges against them,” dagdag nito.
Inilarawan ni Nartatez na ang isinagawang operasyon sa paghanap kay Bantag ay patunay ng determinasyon ng pulisya na maaresto ang mga taong pinaghahanap ng batas.
Nanawagan ang PNP sa publiko na magbigay ng anumang impormasyong maka-tutulong sa mga awtoridad upang matunton si Bantag at iba pang mga wanted na indibidwal.
Nauna nang sinabi ng Department of Justice (DOJ) na magbibigay ito ng P2 milyong pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon para madakip si Bantag.
Abril 2023 nang ipag-utos ng Muntinlupa Regional Trial Court court ang pagda-kip kay Bantag kaugnay sa pagkamatay ni Lapid, at Jun Villamor, ang umano’y ginamit na middleman sa pagpatay sa mamamahayag.
Nauna nang itinanggi ni Bantag ang mga paratang laban sa kaniya.