Advertisers
MANANATILI sa limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) matapos pagtibayin ng Supreme Court (SC) ang konstitusyonalidad ng batas na nagpapahaba sa kanilang panunungkulan.
Ito ay matapos ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ang petisyong inihain ni election lawyer Atty. Romulo Macalintal laban sa Republic Act No. 12326, na nag-amyenda sa dating apat na taong termino ng mga halal na opisyal ng barangay at SK.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Rodil Zalameda, ipinaliwanag ng Korte na ang naturang batas ay nagtatakda ng haba ng panunungkulan ng mga opisyal at hindi lamang basta nagpapaliban sa halalan.
Dahil dito, sa Nobyembre 2028 na gaganapin ang susunod na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE). Pagkatapos nito, kada limang taon na isasagawa ang mga susunod na halalan.
Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang RA 12326 noong Setyembre 24, 2026.
Sa ilalim ng batas, mula apat na taon ay naging limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at SK, dahilan upang mailipat sa Nobyembre 2028 ang halalang nakatakda sana ngayong Nobyembre 2026.
Hindi naman pinalampas ni Macalintal ang naturang pagbabago at naghain siya ng petisyon sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang legalidad nito.
Sa kaniyang petisyon, kinuwestiyon ang pagpapahaba sa termino ng mga kasalukuyang opisyal nang hindi muna idinaraos ang halalan, na may kaugnayan sa karapatan ng mga mamamayan na pumili ng kanilang mga lider sa barangay at SK.
Sa kabila nito, ibinasura ng Supreme Court ang kaniyang petisyon at pinanatili ang bisa ng RA 12326.