Advertisers

Advertisers

TANGKANG PAGPUSLIT NG ?1.36-B SHABU SA MICP, NAPIGILAN NG BOC

0 24

Advertisers

Naharang ng Bureau of Customs (BOC) ang may 200 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ?1.36 bilyon sa Manila International Container Port (MICP).

Nakatago ang hinihinalang droga sa mga salansan ng karton sa loob ng isang 40-foot container nang matagpuan ng BOC, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP).

Personal na nag-inspeksyon sa mga nasabat na hinihinalang droga sina Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, DILG Secretary Jonvic Remulla, PDEA Assistant Secretary Renato Gumban at PNP Lieutenant General Neri Vincent Ignacio.



Binigyang-diin ni Remulla na ang pagkakasabat ay resulta ng pagtutulungan ng mga ahensya at pagpapalitan ng intelligence information sa mga bansa sa ASEAN. Aniya, nakatuon ang kampanya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagharang sa ilegal na droga bago ito makarating sa mga komunidad at sa pagtukoy sa pinagmumulan nito.

Pinuri rin ni Remulla ang BOC, PDEA, PNP at iba pang katuwang sa operasyon at aniya, hindi nagtatapos sa pagkakasabat ng droga ang kanilang trabaho. Kailangan ding matunton ang pinagmulan nito at maimbestigahan ang mga sangkot sa pagpapadala at pagtanggap ng kargamento.



Ayon kay Gumban, nagmula sa Vietnam Anti-Narcotics Police Department ang impormasyon tungkol sa shipment na posibleng may lamang shabu. Batay sa impormasyong ibinahagi sa PDEA, nagmula ang kargamento sa Lao PDR.

Dumaan ang kargamento sa Haiphong, Vietnam, bago ipinadala sa Hong Kong, kung saan inilipat ang container sa ibang barkong patungong Pilipinas. Nagbigay rin ng abiso ang counterpart ng PDEA sa Vietnam nang makaalis ang barko sa Haiphong, kaya maagang naibahagi ng PDEA Intelligence Service sa BOC Customs Intelligence and Investigation Service ang impormasyon tungkol sa shipment.



Dahil dito, natutukan ng BOC ang kargamento bago pa ito dumating sa bansa.

Ayon kay Nepomuceno, ito ay isinailalim sa X-ray scanning at sinundan ng pisikal na inspeksyon.

Natuklasan aniya ang 50 kahon na may tig-apat na pakete ng hinihinalang shabu at nagpositibo sa methamphetamine hydrochloride o shabu ang mga nakuhang substance sa paunang field test.

Tiniyak naman ni Ignacio na patuloy na makikipagtulungan ang PNP sa PDEA at BOC sa mga susunod na hakbang, lalo na sa imbestigasyon. Ayon sa kanya, inaalam na ng mga awtoridad ang consignee ng kargamento, at magtutulungan ang PDEA at PNP sa pagpapatuloy ng pagsisiyasat.

Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan ang BOC sa PNP Drug Enforcement Group upang masundan ang dinaanan ng kargamento, matunton ang pinagmulan nito, at matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa tangkang pagpupuslit.

Batay sa kabuuang datos para sa 2025 at 2026, nakapagsagawa ang BOC ng 520 operasyong may kaugnayan sa ilegal na droga na nagkakahalaga ng ?11.294 bilyon.

Nakapagsampa rin ang BOC ng pitong kasong may kaugnayan sa ilegal na droga laban sa 10 indibidwal sa parehong panahon. Samantala, umabot na sa 10 akusado ang nahatulang nagkasala sa dalawang drug-related convictions.

“Patuloy tayong sumusunod sa kautusan ng ating Pangulong Bongbong Marcos na panatilihing ligtas ang ating mga kalye laban sa ilegal na droga. Ang estratehiya natin ay bantayan ang mga lugar kung saan posibleng makapasok ang mga ito. Ang tungkulin ng Customs ay hindi lamang mangolekta ng pondo para sa operasyon ng pamahalaan. Isa rin sa ating mga trabaho ang makipagtulungan sa PNP, NBI, PDEA, at iba pang ahensya upang mapanatiling ligtas ang ating mga komunidad laban sa pagpasok ng ilegal na droga,” pahayag ni Commissioner Nepomuceno.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., patuloy na hinihigpitan ng MICP, sa pamumuno ni District Collector Atty. Felipe Geoffrey K. De Vera IV, ang pagbabantay sa mga pumapasok na kargamento.

Kasama rito ang masusing inspeksyon at mabilis na pagbabahagi ng impormasyon sa mga katuwang na ahensya upang maharang ang ilegal na droga bago ito makarating sa mga komunidad. (JERRY S. TAN)