Advertisers
Isang maagang pamasko ang naghihintay sa mga kawani ng pamahalaang lungsod ng Maynila matapos ipag-utos ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang sabay-sabay na pagpapalabas ng kanilang sahod, 13th month pay at ₱5,000 cash gift ngayong Biyernes, Nobyembre 13.
Inihayag mismo ni Domagoso ang magandang balita sa isinagawang flag-raising ceremony sa Manila City Hall nitong Lunes, Nobyembre 9, na ikinatuwa at ikinagalak ng mga empleyadong dumalo.
“Malugod ko pong ipinapaalam sa inyo na may sweldo sa Biyernes! At may 13th month! At ‘yung ₱5,000 na bonus! Makukuha ninyo nang maaga at sabay-sabay na,” pahayag ng alkalde.
Naglaan ang pamahalaang lungsod ng kabuuang ₱817,312,760 para sa 2026 year-end bonus at cash gift ng mga empleyado.
Kabilang dito ang ₱762,462,760 para sa year-end bonus at ₱54,850,000 para sa ₱5,000 cash gift.
Ipinaliliwanag ng alkalde na maagang inilabas ang mga benepisyo dahil sa apat na araw na holiday break mula Nobyembre 16 hanggang 18 na idineklara ng Malacañang.
Tiniyak din ni Domagoso na hindi pababayaan ang mga Contract of Service (COS) at Job Order (JO) workers, bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga ito sa paghahatid ng serbisyo publiko.
Samantala, naghahanda na rin ang pamahalaang lungsod sa pamamahagi ng pamaskong ayuda at mga pangunahing pangangailangan sa may 700,000 pamilya sa Maynila upang matiyak na may maihahain sa hapag-kainan ang bawat tahanan ngayong Pasko.
“’Yung pangarap ko lagi, taon-taon na nasimulan ko na noong tayo’y nagsimulang mag-Alkalde: lahat ng 700,000 families sa Lungsod ng Maynila ay makatatanggap, na meron silang mapaghahandaan pagdating ng Pasko,” ani Domagoso.
Hindi rin makalilimutan ang mga senior citizen dahil nakahanda na rin ang pamamahagi ng kanilang sariling holiday packages bilang bahagi ng paghahanda ng lungsod sa kapaskuhan.
Sa huli, pinaalalahanan ng alkalde ang mga empleyado na magtabi ng bahagi ng kanilang maagang natanggap na bonus dahil ilang linggo pa bago sumapit ang Pasko.
“Masyadong maaga, baka naman pagdating ng Pasko ubos na,” pabirong paalala ni Domagoso.
Hinimok din niya ang lahat na mag-ingat, pangalagaan ang kalusugan at bigyang-pansin ang kani-kanilang pamilya.(BP)