Advertisers

Advertisers

BOC, TODO-BANAT SA SMUGGLERS; KOLEKSYON, RECORD-BREAKING!

0 11

Advertisers

Sa gitna ng hamon sa ekonomiya at patuloy na pangangailangan ng pamahalaan sa pondo para sa mga serbisyong panlipunan, isang malaking tagumpay ang naitala ng Bureau of Customs (BOC) matapos makapagtala ng pinakamataas na buwanang koleksyon sa kasaysayan nito ngayong Oktubre 2026.

Hindi biro ang P97.463 bilyong nakolekta ng ahensya sa loob lamang ng isang buwan. Mas mataas ito ng P14.501 bilyon kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon. Patunay ito na kahit bumaba ang import volume, kaya pa ring palakasin ang koleksyon sa pamamagitan ng mas mahusay na pamamahala, mahigpit na monitoring at tamang pagpapatupad ng batas.

Mas kahanga-hanga ang kabuuang koleksyon nitong Enero hanggang Oktubre na umabot sa P853.662 bilyon, lampas pa sa itinakdang target na P846.522 bilyon. Ibig sabihin, hindi lamang rekord ang naitala ng BOC kundi nalampasan din nito ang inaasahang koleksyon ng pamahalaan.



Sa pangunguna ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, malinaw ang direksyon ng ahensya: palakasin ang revenue collection, sugpuin ang smuggling at tiyaking bawat pisong dapat mapunta sa kaban ng bayan ay hindi mawawala.

At hindi lamang sa koleksyon nasusukat ang trabaho ng BOC.



Kamakailan, muling ipinakita ng ahensya ang pagiging mahigpit nito sa pagpapatupad ng batas matapos masabat ang tinatayang 200 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.36 bilyon sa Manila International Container Port (MICP).

Hindi basta-bastang kargamento ang naharang. Nakatago ang hinihinalang ilegal na droga sa mga karton sa loob ng isang 40-foot container na dumaan pa sa ilang bansa bago makarating sa Pilipinas.



Sa tulong ng intelligence information mula sa Vietnam at koordinasyon ng BOC, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP), napigilan ang tangkang pagpasok ng napakalaking halaga ng ilegal na droga sa bansa.

Isang malaking tagumpay ito dahil hindi lamang droga ang nasabat kundi posibleng pagkasira ng buhay ng maraming Pilipino ang naiwasan.

Hindi rin nagpahuli ang BOC sa kampanya laban sa ilegal na sigarilyo. Sa Negros Occidental, nasamsam ng BOC at PNP ang mahigit ?4.1 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo na sakay ng isang refrigerated van.

Ang naturang mga produkto ay walang kaukulang Bureau of Internal Revenue (BIR) tax stamps, malinaw na indikasyon ng paglabag sa mga umiiral na patakaran sa pagbubuwis at kalakalan.

Dalawang indibidwal ang nasa kustodiya na ng PNP habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Tatlong magkakaibang operasyon, ngunit iisa ang mensahe: hindi dapat maging ligtas na kanlungan ang Pilipinas ng mga smuggler, drug trafficker at iba pang lumalabag sa batas.

Kapansin-pansin din ang kahalagahan ng mabilis na palitan ng impormasyon at pagtutulungan ng mga ahensya. Sa panahon ngayon, hindi sapat ang simpleng pagbabantay sa mga pantalan at hangganan. Kailangan ang matibay na intelligence network, makabagong sistema at koordinasyon upang masundan ang galaw ng mga sindikato.

Kaya nararapat lamang kilalanin ang mga tauhan ng BOC sa iba’t ibang collection district at enforcement units na nasa likod ng mga tagumpay na ito.

Sa puntong ito, malaki ang hamong haharapin ni Commissioner Nepomuceno sa huling dalawang buwan ng taon. Mahigit P157 bilyon pa ang kailangang makolekta upang maabot ang P1.011 trilyong full-year revenue target.

Hindi ito madaling trabaho, ngunit batay sa ipinakitang resulta, may sapat na dahilan upang maging positibo ang ahensya.

Ang mahalaga, hindi dapat puro numero at rekord ang habulin. Kailangang tiyakin na ang bawat koleksyon ay bunga ng tamang pagbabayad ng buwis, patas na kalakalan at maayos na serbisyo sa mga importer at iba pang stakeholders.

Sa kabilang banda, dapat ding maging tuluy-tuloy ang kampanya laban sa smuggling at ilegal na droga. Hindi dapat matapos sa pagkakasabat ang operasyon.

Kailangang matukoy ang mga nasa likod ng pagpapadala, pinagmumulan ng kontrabando at mga grupong kumikita sa ilegal na kalakalan.

Sa huli, ang tunay na sukatan ng isang mahusay na Bureau of Customs ay hindi lamang kung gaano kalaki ang nakokolekta nito kundi kung gaano kaepektibo nitong napoprotektahan ang ekonomiya, kaligtasan ng mamamayan at kaban ng bayan.

Sa ngayon, malaking puntos ang naitala ng BOC sa koleksyon at enforcement. Sana, magpatuloy ang ganitong sigasig hanggang makamit ang target na ?1 trilyon at higit pang mapatibay ang kampanya laban sa mga sindikatong sumisira sa ating ekonomiya.

BOC, hindi lamang tagakolekta ng buwis, kundi bantay ng kaban ng bayan at tagapagtanggol ng ating mga hangganan!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.