Advertisers
Nananatiling malakas ang posisyon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa mga paunang survey para sa 2028 senatorial elections, batay sa resulta ng tatlong polling organizations.
Sa October 2026 national survey ng WR Numero Research, nakakuha si Cayetano ng 39% voter preference, mas mataas ng limang percentage points kumpara sa 34% noong June survey. Nanguna siya sa listahan, kasunod si Senator Robin Padilla na may 37%.
Nagtala naman ng tig-32% sina Senator Raffy Tulfo at Pasig City Mayor Vico Sotto, habang nakakuha ng 30% si dating Senator Grace Poe. Bumaba rin ang bilang ng mga undecided voter mula 19.4% noong June hanggang 14% noong October.
Nananatili rin si Cayetano sa hanay ng mga nangungunang pangalan sa third-quarter Tugon ng Masa survey ng OCTA Research, kung saan nakakuha siya ng 44%. Kasama siya sa statistical ranking na unang pwesto hanggang ikaapat, kasama sina Tulfo na may 47%, Padilla na may 45%, at Sotto na may 42%.
Nilinaw ng OCTA na hindi nangangahulugang may tiyak na pagkakasunod-sunod ang apat dahil magkakalapit ang kanilang resulta sa survey.
Sa September survey naman ng Pulse Asia, nakakuha si Cayetano ng 46.5% voter preference, kasunod ni Poe na may 50.2%. Kabilang din siya sa statistical rank na unang pwesto hanggang ikaapat, kasama sina Padilla na may 45.9% at Tulfo na may 44.4%.
Mahigit tatlong dekada na ang karanasan ni Cayetano sa serbisyo publiko, kabilang ang panunungkulan niya sa Senado at House of Representatives. Naging kalihim din siya ng Department of Foreign Affairs mula 2017 hanggang 2018.
Sa pagsisimula ng 20th Congress, naging Senate Minority Leader si Cayetano bago nahalal bilang Senate President. Kalaunan, bumalik siya sa pagiging Minority Leader.
Ilan sa mga pangunahing adbokasiya niya sa Senado ang pagsusulong ng mahahalagang batas at paglaban sa korapsyon. Bilang isa sa mga senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, iginiit din niya na dapat iba sa political parties.
Kabilang si Cayetano sa iilang mambabatas sa kasaysayan ng bansa na nagsilbi bilang parehong Senate President at Speaker of the House of Representatives. Naging House Speaker siya mula 2019 hanggang 2020.